SA pagpapatuloy ng impeachment trial, muling nakapuntos ang prosecution panel matapos aminin ni Atty. Michael Poa na walang confidential funds na ibinigay ang Department of Education (DepEd) sa Armed Forces of the Philippines (AFP) para sa pagdaraos ng Youth Leadership Summit. Sa pag-usisa ni private prosecutor Jay Tolosa kay Poa, tinanong ang dating DepEd official hinggil sa confidential funds ng ahensya. Bilang tugon, inamin ni Poa — na tumatayong leader defense counsel ni Duterte — na walang pondong ibinigay ang departamento sa AFP para sa sinasabing aktibidad ng mga lider-kabataan. “Yes sir, I confirm that,” wika ng abogado ng pangalawang pangulo nang muling tanungin ni Tolosa. Si Poa ang ikatlong hostile witness na isinalang ng prosekusyon kaugnay ng Article 1 ng impeachment charges na inihain laban sa bise presidente. Para kay Tolosa, lubos na nagpatibay ang testimonya ni Poa sa salaysay nina Army officers Col. Manaros Boransing II at Col. Magtanggol Panopio hinggil sa YLS na programa ng AFP. Anila, ang inisyung “certification” ng AFP ay para sa pagdalo ng lumahok na ahensya — at hindi para sa “liquidation purposes.” Ipinunto ng prosekusyon ang argumentong bakit kailangang gamitin ng DepEd para sa pag-liquidate ng confidential funds ang “certification” ng Army officials. Ani Poa, noong panahong iyon, naisip niyang ang impormasyong nakuha ng DepEd, kapalit ang pagbibigay ng confidential funds ay siyang ginamit ng military para matukoy ang mga lugar na pagdarausan ng YLS. Subalit binigyan-diin naman nito na wala siyang personal na kaalaman sa kung ano ang tunay na pangyayari sa pag-iisyu ng Army certification para sa mga nasabing aktibidad. “That is just my interpretation of the certification. Whether or not that is indeed the case, I really do not have personal knowledge of it,” saad pa ni Poa. Si Poa ang nagsumite ng sagot ng DepEd sa audit observation memorandum (AOM) na inilabas ng Commission on Audit (COA) hinggil sa paggastos ng P15.54 milyong bahagi ng confidential funds ng naturang departamento. Sa kanyang inihaing April 17, 2024 response sa COA, tinukoy ni Poa ang apat na AFP certifications bilang patunay sa “success” ng iba’t-ibang programs, projects and activities batay sa impormasyong naibahagi ng DepEd confidential informants. Nang muling tanungin, umamin si Poa na wala siyang personal na kaalaman kung ano ang partikular na impormasyon ang binigay ng mga informer at kung alin sa mga impormasyon ang pinakinabangan sa AFP activity na inisyuhan ng certification. Facebook Twitter/X LinkedIn Post navigation Romualdez pumalag sa bansag na mastermind Budget ng Ombudsman kapos, dapat dagdagan — Sen. Lacson