HINDI katanggap-tanggap para sa kampo ni Leyte Rep. Ferdinand Martin Romualdez na tawagin siyang “mastermind” kahit hindi pa naman tapos ang preliminary investigation ng Office of the Ombudsman. Sa isang kalatas, hayagang kinastigo ni Atty. Ade Fajardo na tumatayong tagapagsalita ni Romualdez, ang aniya’y paghuhusga sa dating lider ng Kamara kahit wala pa naman aniyang naisampang kaso sa husgado. Para kay Fajardo, malinaw na hinuhusgahan na agad ng Ombudsman si Romualdez. “Sa amin pong appreciation, at kami ay nangangamba na dahil sa maraming mga pampublikong posisyon ng kasalukuyang Ombudsman ay parang na-prejudge na, or parang meron nang konklusyon na nabuo, at hinahabol ang ebidensya para lang suportahan ‘yung… legal conclusion na sa amin namang palagay ay wala nga,” pahayag pa ni Fajardo. Aniya, ang pagbabansag ay nagbibigay ng impresyon na mayroon nang desisyon ang Ombudsman kahit hindi pa ganap na naisasagawa ang pag-iimbestiga at masusing pagtimbang sa mga ebidensya at sagot ng taong pinaparatangan. Muling iginiit ni Fajardo ang pag-inhibit ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla sa pag-iimbestiga dahil na rin sa mga pahayag na nagdidiin agad sa dating lider ng Kamara. “Ang naging problema namin diyan kasi nga at this stage po ng investigation, ang hinihiling po ng ating mga alituntunin at ng ating batas at mismong Saligang Batas ay fairness and impartiality,” giit ni Fajardo. Sinabi rin ni Fajardo na ang mapanirang bansag ay maaaring makabuo ng maling pananaw ng publiko habang patuloy pa ang pagbusisi sa testimonya at mga sinasabing ebidensya. “Ang tawag namin po diyan ay prejudicial, at in effect parang ginagatungan ‘yung anumang kaisipan,” sabi pa niya. Panawagan ni Fajardo sa Ombudsman, tapusin muna nito ang pagsisiyasat at maglabas ng resolusyon batay sa ebidensya bago maglabas ng mga pahayag. Hinikayat din ni Fajardo si Remulla na itigil ang pagbabansag. Facebook Twitter/X LinkedIn Post navigation Speaker sa AIPA: Pagaanin ang buhay ng mga Asyano