SA kabila ng mahigpit na direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., humirit ang Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) na huwag idamay ang 12 kumpanya sa POGO ban.
Katwiran ng PAGCOR, pawang customer service agent lamang ang mga nasabing kumpanya.
Partikular na sinalag ng PAGCOR ang mga POGO firms na nasa isang gusali lungsod ng Pasay na aniya’y pinagkakakitaan ng mga lokal na negosyante.
Sa pagtataya ni PAGCOR chairman Alejandro Tengco, nasa 42,000 manggagawang Pinoy ang posibleng tamaan ng POGO ban na ipinag-utos ng Pangulo sa kanyang ikatlong State of the Nation Address (SONA) kamakailan.
“Humigit-kumulang nasa 40,000 to 42,000,” wika ng PAGCOR chief.
Sa naturang bilang, 31,000 di umano ang mga Pilipino, habang nasa mahigit 10,000 naman aniya ang pasok sa kategorya ng ancillary services na konektado sa mga kumpanya ng POGO.
Sagot naman ni Labor Secretary Bienvenido Laguesma, ngayon pa lang hinahanda na ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang tinawag niyang “government intervention” para sa mga apektadong manggagawang Pinoy.
“We have to already lay down the plans of action kung anong klaseng intervention ang pwedeng itulong and not wait until December medyo mabigat kung dun pa lang tayo magplano,” ani Laguesma.
Samantala, taliwas naman sa paandar ni Senador Sherwin Gatchalian, hindi pa ganap na kanselado ang lisensya ng 43 POGO companies.
Ayon kay Tengco, binabalangkas pa ng ahensya ang “exit plan” lalo pa’t may mga kumpanyang nakatali sa kontrata.
“Yun nga ang isa sa aking inutos agad kaninang umaga sa ating legal department ng PAGCOR, dahil baka balikan ako,” aniya.
Noong nakalipas na taon, pumalo sa P5 bilyon ang pumasok na kita sa PAGCOR.
Sa kaugnay na balita, inihayag ng Bureau of Immigration (BI) na kakanselahin na rin ang mga work permits ng mga dayuhang konektado sa POGO.
