SA laki ng panukalang budget na hirit ng administrasyon sa Kongreso, kakayod ng husto ang Department of Finance para madoble ang P4-trillion tax collection target ng gobyerno.
Kumpiyansa naman si Finance Secretary Ralph Recto na kaya ng Bureau of Internal Revenue (BIR) makalikom ng sapat na halaga para magamit ng pamahalaan sa mga tinukoy na programa at proyektong binanggit ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kanyang ikatlong State of the Nation Address (SONA) noong nakaraang Lunes.
Ayon kay Recto, “on-track” ang gobyerno para maabot ang fiscal target na mahigit P4 trillion. Katunayan pa aniya, nasungkit na ng pamahalaan ang kalahati ng target collection na mula sa non-tax revenue sa mga dibidendo ng government owned-and controlled corporations, privatization, kita mula sa Treasury at iba pa.
“We are on track to hit our fiscal targets for the entire year and that is roughly about four trillion two hundred fifty billion,” ani Recto.
Target aniya ng gobyerno makakubra ng malaki-laki mula sa non-tax revenue ng hanggang P400 billion, mula sa dating target noong nakalipas na taon na tinatayang nasa P200 billion pesos.
Bahagi rin aniya ng tax efficiency ng administrasyon wakasan ang smuggling na nagkakait sa pamahalaan ng malaking kita mula sa buwis na kalakip ng mga kalakal na ipinapasok sa bansa.
