Ni EDWIN MORENO
KALABOSO sa mga operatiba ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) ang di umano’y utak ng mafia sa likod ng santambak na kriminalidad na nakakubli sa Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) sa bansa.
Kinilala ang mafia boss sa pangalang Lyu Dong na sinasabing operator ng sinalakay na Lucky South 99 POGO hub sa Porac, Pampanga.
Kabilang rin sa nadakip sa operasyong ikinasa ng PAOCC sa Las Villas De Manila sa Arzobispo St., Southwoods Subdivision sa Biñan City ang 12 iba pang boss sa likod ng malawakang scam farms na nagkalat sa Laguna at iba pang lalawigan.
Dakip din ang anim na Pinoy na nagtatrabaho bilang bodyguard ng mga arestadong Chinese nationals.
Ayon kay Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) chief Undersecretary Gilbert Cruz, si Lyu Dong alyas Haohao ang tinutukoy “boss of all bosses” sa hanay ng mga illegal POGO operator.
Bukod sa Lucky South 99 (sa Porac, Pampanga) na pag-aari di umano ni Lyu Dong, konektado rin umano sa nasabing grupo ang illegal POGO operation sa Bamban (Tarlac), Ilocos Sur, at dalawang ilegal POGO sa Calabarzon region.
Narekober ng mga operatiba sa Las Villas de Manila ang sari-saring ID, santambak na cellphone, mga computer unit, cash at tatlong hindi lisensyadong baril.
Kasalukuyang nakapiit sa punong himpilan ng PAOCC ang mga dayuhang suspek.
“Kahit makapagpakulong tayo ng ilang libong Chinese worker, hindi sapat yun kung hindi tayo makapag pakulong ng big bosses,” pahayag ni PAOCC spokesperson Winston Casio
