
Ni ROMEO ALLAN BUTUYAN II
HINDI malayong magsama na ulit sina former Presidential Spokesperson Harry Roque at asawang si Myla na pinaghiwalay ng pagkakataon bunsod ng pagtatago ng dating tagapagsalita ng Palasyo.
Gayunpaman, hindi magaganap ang reunion sa alinman sa kanilang tahanan kundi sa kulungan sa loob ng Batasan.
Sa utos ng quad committee ng Kamara, inatasan ang House Sergeant-at-Arms na makipag-ugnayan sa Philippine National Police (PNP) para sa agad na pagdakip kay Gng. Myla Roque matapos i-cite in contempt bunsod ng patuloy na pang-iisnab sa patawag ng Kamara kaugnay ng isinasagawang imbestigasyon sa illegal POGO operations sa panahon ng dating administrasyon.
Ayon kay Abang Lingkod party-list Rep. Joseph Stephen Paduano, hindi nagkulang ang quad comm na aniya’y nagbigay ng sapat na panahon kay Myla Roque para dumalo sa pagdinig ng Kongreso.
“Since we have given Ms. Roque the due process…. I move to cite in contempt Ms. Roque, Mr. Chairman,” hirit ni Paduano na positibong tinugon ni quad comm overall chairperson at Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers.
Sunod na naghain ng mosyon si Antipolo City Rep. Romeo Acop para sa paglabas ng mandamiento de arresto sa maybahay ng dating tagapagsalita ng Palasyo.
Sa sandaling madakip, ikakalaboso si Ginang Roque sa detention facility sa loob ng Batasang Pambansa Complex.
Samantala, pahirapan ang paghahanap ng pulisya sa kinaroroonan ng former Palace official na una nang pinapadampot ng Kamara.