
KASUNOD ng paglagda ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Republic Act 11959 (Regional Specialty Centers Act), tiniyak ni House Speaker Martin Romualdez ang isasabay ng Kamara ang pondo para sa naturang proyekto sa panukalang P5.768-trillion 2024 national budget.
Partikular na tinukoy ni Romualdez ang alokasyon para sa pagtatayo ng mga istrukturang magsisilbing tahanan ng mga pasyente mula sa iba’t ibang rehiyon.
Kasabay nito, labis na pinapurihan ni House Committee on Health Vice-Chairman at Anakalusugan partylist Rep. Ray Reyes ang paglagda ni Pangulong Marcos para ganap na maging batas ang RA 11959.
“Ipinapakita lamang nito na prayoridad ng administrasyon ang pagkakaroon ng accessible at abot-kayang serbisyong pangkalusugan para sa lahat,” diin ni Reyes.
“Maraming salamat po sa ating Pangulo at sa ating mga kapwa mambabatas sa inyong pagtugon sa pangangailangan ng ating mga kababayan,” dagdag ng Anakalusugan partylist solon.
Kabilang si Reyes sa mga may-akda at agresibong nagsulong ng House Bill 7751, na isinama sa nilalaman ng Senate Bill 2212 – at siya naman aniyang naging bersyon ng nasabing batas.
Ayon kay Reyes, ang Anakalusugan partylist ay patuloy isusulong ang paglalagay ng specialty centers sa bawat lalawigan sa bansa, sa layuning mas maging malapit at madali sa mga pasyente ang pagpapagamot at hindi na kinakailangan pang bumiyahe sila sa Metro Manila.
Sa panig ni Speaker Romualdez, sinabi nitong batid niyang hindi naisama sa isinumite ng Department of Budget and Management (DBM) na proposed 2024 national budget ang kakailanganin pondo para sa pagpapagawa ng specialty medical centers.
Kaya naman kakausapin umano niya ang House Committee on Appropriations na siguruhing mapapasama sa 2024 General Appropriations Bill (GAB) ang budget para sa implementasyon ng RA 11959.
“In any case, we in the House will ensure that the necessary initial appropriations are allocated for the implementation of the law and the setting up, equipping and staffing of the special medical care units in regional hospitals,” pagtitiyak ni Romualdez, pinuno ng 311-strong House of Representatives.
“Once these special care facilities are established, people in the provinces, in rural areas, no longer need to travel to Metro Manila to receive specialized treatment and care. They will be spending less for transportation and other related costs. We are bringing the centers closer to our people,” sabi pa ng House Speaker.