ISANG linggo matapos salakayin ang mga bodegang pinaniniwalaang imbakan ng smuggled rice, muling binalikan ng Bureau of Customs – kasama si House Speaker Martin Romualdez ang lalawigan ng Bulacan.
Base sa mga nakita ni Romualdez, kumbinsido ang lider ng Kamara na ‘artificial shortage’ ang dahilan sa likod ng pagtaas sa presyo kada kilo ng bigas sa mga pamilihan.
Babala ni Romualdez sa mga negosyanteng nagtatago ng supply sa hangarin diktahan ang presyo sa merkado – hindi titigilan hanggang sa masadlak sa bilangguan.
Kung pagbabasehan aniya ang mga tumambad na bigas sa tatlong bodegang unang sinalakay nito lamang nakaraang linggo, naniniwala siyang may sapat na supply sa susunod na tatlong buwan.
“Yun lang ang warning natin sa lahat. Kung anong supply nyo ilabas nyo agad, wag nyo hintayin tumaas ang presyo sa world market. Nagbabantay kami at babalik kami dito. Kung kailangan i-raid ng Customs, ipapa-raid natin ulit.”
Nanawagan rin ang Speaker sa Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na atasan ang Department of Agriculture (DA) na ibenta sa murang halaga sa maralita ang mga bigas na nakumpiska – “Kunin natin at ibigay natin sa mamamayan sa tamang presyo”
“Rice found to be smuggled or hoarded should be forfeited in favor of the government, in favor of the people’s interest, for distribution or sale at a very low price,” hirit ni Speaker Romualdez.
Inatasan rin ni House leader si Customs Commissioner Bienvenido Rubio na siguraduhin mananagot sa batas ang mga rice smugglers at hoarders sa likod ng pagmanipula ng presyo.
“Hoarders need to understand that the government led by President Marcos Jr. is serious in flushing out the people behind the price manipulation of rice. Kung hindi makukuha sa simpleng pakiusap, baka magtanda sila kapag nakulong,” aniya pa.
Kamakailan lang, inatasan ni Marcos ang mga ahensya ng gobyerno na gawan ng paraan mapigilan ang patuloy na pagsirit sa presyo ng bigas, kasabay ng direktiba para sa mas agresibong inspeksyon sa mga warehouse.
Bukod kay Romualdez, kabilang sa mga kongresistang sumama sa pagsalakay sa mga bodega ng Gold Rush Rice Mill 3, Dinorado Rice Mill, at JSS Rice Mill sa Bulacan sina House Deputy Majority Leader Erwin Tulfo, Committee on Agriculture and Food Chairman Mark Enverga, at Bulacan 5th District Rep. Ambrosio Cruz, Jr.
Nagsagawa rin ng inspeksyon ang BOC sa isang rice warehouse na karatula sa loob ng Intercity Industrial Complex.
“Rice hoarding is a heinous crime because it victimizes poor families who barely have enough money to put food on the table and pay for everything else that will uplift their quality of life. Hoarders profit from the misery of others, and for that they deserve to be in jail,” babala pa ni Romualdez.
“Kaya ang panawagan natin sa BOC, pag-ibayuhin pa ang pagsisikap na mahuli itong smugglers at hoarders na ito. I believe that by sending them to jail, we will send a clear message to other hoarders to stop what they are doing under pain and penalty of jail time,” dagdag pa niya.
Batay sa imbentaryo, mahigit 200,000 sako ng bigas ang nadiskubre sa FS Rice Mill, San Pedro Warehouse, and Great Harvest Rice Meal Warehouse na nasa hangganan ng Bocaue at Balagtas sa Bulacan.
“That is why we are urging BoC chief Rubio to follow through their efforts during their raids. This should result in the filing of criminal cases of economic sabotage against these opportunists. Sila ang yumayaman sa paghihirap ng mga tao.”
Binigyan lamang ng 15 araw ng BOC ang mga may-ari ng mga sinalakay na bodega para magsumite ng mga dokumentong patunay na hindi smuggled ang sa imbakang pansamantalang bantay-sarado sa kawanihan.