PORMAL nang nagbitiw sa pwesto si Quezon City Police District (QCPD) Director Police Brigadier General Nicolas Torre III matapos ang mga pagbatikos kasunod ng pagdaraos ng isang pulong balitaan kasama ang dating pulis na sangkot sa viral road rage incident sa Quezon City.
Epektibo ang pagbibitiw ni Torre bilang hepe ng QCPD ngayong Huwebes, Agosto 31.
Pag-amin ni Torre, batid niya ang mga negatibong kritisismo laban sa kanya kaya’t napagtanto niyang nararapat lamang na magbitiw siya pwesto para bigyang daan ang patas na imbestigasyon sa kaso.
Giit ng opisyal, nais niyang lumabas ang katotohanan at patunayan na wala siyang pinagtatakpan sinuman sa naturang kaso.
Kaugnay nito, inamin ni Torre na nang mapanood niya ang video ay nag-init ang kanyang ulo at siya ay nagkomento upang pasukuin ang car driver sa viral road rage incident na kalaunan ay nakilala sa pangalang Wilfredo Gonzales – isang dating pulis.
Katunayan aniya, naglabas pa siya ng direktiba sa mga tauhan ng QCPD na hanapin ang suspek.
Gayunpaman, sumuko si Gonzales bago paman siya matunton ng mga kabaro.
Nang malaman aniya ng media na nasa kanyang tanggapan si Gonzales ay umigting ang pagnanais ng mga mamamahayag na kapanayamin ang sumukong suspek.
Dito na aniya siya nagdalawang isip – kung hindi niya ihaharap sa media si Gonzales, posible pa aniya isipin na binibigyang-proteksyon niya si Gonzales. Sa bandang huli, nagpasya ang heneral na magdaos na lang ng pulong-balitaan kung saan nabigyan ng pagkakataon ang suspek na magbigay ng kanyang pahayag.
Maging si Quezon City Mayor Joy Belmonte, nadismaya nang malaman ng alkalde sa pulisya na di umano’y mas piniling unahin iharap sa media ang dating pulis kesa sa arestuhin.
“Itong ating QCPD parang sumasang-ayon lang na para siya pa ‘yung nagsasabi ng, ‘Go ahead, give your side.’ It felt strange to me … There was something wrong, in my view,” anang alkalde.
Humingi naman ng paumanhin si Torre, kasabay ng pag-ako sa pangyayari.
Una na niyang ipinaliwanag na hindi na nila maaaring arestuhin si Gonzales dahil tapos na ang itinakdang panahon para sa isang warrantless arrest.
“Hindi na pwede warrantless arrest kasi August 8 pa nangyari. Alam natin na may kasalanan siya but we are bound by rule of law,” anang heneral.
Nagpahayag naman ng kahandaan si Torres na harapin ang kasong posibleng isampa ng aniya’y mga ‘interesadong partido.’
Agosto 8 nang magkaroon ng mainitang pagtatalo si Gonzales at ang hindi pinangalanang siklista, na nauwi sa pananakit at pagkakasa ng baril ng suspek sa biktima.
Nahuli sa video ang insidente at malaunan ay nag-viral sa social media.
Nitong Martes, sinampahan na ng mga pulis ng kasong alarm and scandal si Gonzales sa piskalya.