WALANG mabuting idudulot sa political career ni Vice Presidente Sara Duterte ang patuloy na pagtanggi humarap at sumagot sa paglilitis ng Senate impeachment court.

Ayon kay Deputy Speaker at La Union Rep. Paolo Ortega V, sa dami ng ebidensyang ipinrisinta sa pagdinig ng impeachment court, wala pa rin malinaw na sagot si Duterte sa kinakaharap na kaso.

“Hindi na nakakagulat na bumababa ang rating ni VP Sara. Ang daming mabibigat na ebidensyang lumabas sa Senado, pero hanggang ngayon, wala pa ring malinaw na sagot. Puro iwas, puro palusot, puro paninisi sa iba,” wika ni Ortega.

Naniniwala naman si Deputy Speaker at Zambales Rep. Jay Khonghun na  mababawasan ang tiwala ng publiko sa isang mataas na opisyal ng pamahalaan kung hindi maipaliwanag kung paano at saan nanggaling ang nabistong yaman.

“Hindi sapat na sikat ka o marami kang tagasuporta. Kapag may mga tanong tungkol sa pera at ari-arian mo, obligasyon mong magpaliwanag. Hindi puwedeng ang taumbayan pa ang mag-adjust dahil ayaw mong sumagot,” ani Khonghun.

Para kay House Committee on Suffrage and Electoral Reforms Chairman at Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong, ang pinakahuling Social Weather Stations (SWS) survey ay nagpapakita ng kahalagahan ng credibility at accountability sa public office.

“When financial records raise serious questions and those questions remain unanswered, public trust inevitably suffers. The Vice President cannot expect people to simply look the other way,” punto ni Alonto Adiong.

Sa SWS survey na isinagawa noong nakalipas na buwan ng Setyembre, bumagsak sa +21 ang net satisfaction rating ni Duterte — mas mababa sa +31 na nakuha ng bise-presidente noong Hunyo at +29 noong buwan ng Marso.

Samantala, patuloy na hinahamon ni Ortega ang bise presidente na direktang sagutin ang mga akusasyon, sa halip na idaan sa mga bayarang abogado.

“Kung wala siyang itinatago, bakit hindi niya sagutin nang diretso ang mga alegasyon? Hindi naman pwedeng habambuhay na puro diversion at general denial,” dagdag ng La Union lawmaker.

“Ang tiwala ng taumbayan, hindi basta hinihingi. Pinatutunayan ’yan sa gawa at sa pagiging tapat sa publiko. Kapag nawala ang tiwala, mahirap na ’yang ibalik,” sambit naman ni Khonghun.

“Evidence must be answered with evidence, not political attacks. The Filipino people deserve transparency, and no public official should be above accountability,” sabi naman ni Alonto Adiong. 

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *