
INALMAHAN ng isang retiradong heneral ang mga mungkahing tapyasan ang pensyon ng military and uniformed personnel (MUP) sa hangaring tugunan ang lumolobong pagkakautang ng Pilipinas.
Para kay Baguio City Mayor Benjamin Magalong, isang dating heneral bago sumabak sa pulitika, mas angkop na paghugutan ng pondo ang Kongreso kung saan aniya nalulustay lang ang tinawag niyang pork barrel.
“We are willing to give or contribute a reasonable percentage of our pension plan or of our pension to the national government to address this big issue. Pero nakakalungkot. Nothing has been heard from our legislators that they are willing to give up their pork barrel,” dismayadong pahayag ni Magalong.
“Kahit man lang sana sabihin nila na bawasan nyo yung pork barrel. But nobody, for some reason, nobody would admit na meron pala silang pork barrel. But now that I am with the local government, the fact remains that there is still a pork barrel,” dagdag pa niya.
Nababahala rin si Magalong sa sumisirit na utang ng bansa na batay sa pinakahuling ulat ng Bureau of the Treasury ay pumalo na sa P14.1 trilyon noong katapusan ng Mayo 2023.
Kumbinsido rin ang alkalde na may kakayahan ang bansa bayaran ang mga pagkakautang kung magagawang pasakan ng pamahalaan ang aniya’y ‘financial leakages’ – o yaong mga pondong nawawaldas sa katiwalian.
Taong 2013 pa nang ideklarang ilegal ng Korte Suprema ang pork barrel ng mga mambabatas.