HAYAGANG pakikialam at pamumulitika ng isang Presidential Adviser ang nakikitang dahilan sa likod ng palpak na ‘Love The Philippines’ promotional campaign.
Panawagan ng beteranong political communications strategist na si Ben Cyrus Ellorin, isalang sa imbestigasyon si Presidential Adviser on Creative Communication Paul Soriano na siyang tumapos di umano ng bulilyasongt proyekto ng Department of Tourism (DOT).
Para kay Ellorin, walang dahilan para panghimasukan ni Soriano ang proyekto ng DOT lalo pa’t malinaw naman aniya sa kanyang mandato ang pagiging ‘tagapayo’ lang ng Pangulo.
Dapat rin umanong silipin ang relasyon ni Soriano sa DDB Philippines na una nang napabalitang matagal nang katrabaho ng direktor sa iba pang mga proyekto sa gobyerno – kabilang ang Duty Free Philippines.
“If Paul Soriano is a creative person, a man of the culture and the arts, ought to know that politics or power play has no place in promoting our country’s culture, heritage, and natural endowments,” pahayag ni Ellorin.
Kinatigan rin ni Ellorin si Albay Rep. Joey Salceda sa patutsada kaugnay ng nawawalang Mayon Volcano sa promotional video ng ‘Love the Philippines’ video na ginamitan ng mga stock footages na kuha mula sa limang iba pang bansa.
“As a Mindanawon, we also ask: ‘Where is Mindanao’? Is it No love for Mindanao?’”
Dagdag niya, maaaring sapat na para sa DDB na humingi ng paumanhin. Gayunman, upang ganap na malinis ng DOT ang sarili, dapat imbestigahan si Soriano, na ang pakikialam aniya ay nagresulta sa “dubious construction” ng bagong tourism slogan, na lalong sumira sa mensaheng dapat nitong iparating.
Dagdag pa niya, sa panahong ang mamamayan ay nagsisimula pa lamang bumangon mula sa epekto ng pandemya at sa pagdurusa sa high inflation, mahalaga ang bawat sentimo.
Magugunitang dinagsa ng batikos si DOT Secretary Christina Garcia-Frasco bunsod ng kontrobersiya sa umano’y ‘plagiarism’ sa audio-visual presentation na ginawa ng advertising firm sa likod ng “Love the Philippines” tourism slogan.
Sa nasabing promotional video na umano’y ginastusan ng P49 milyon, ay gumamit umano ang DDB advertising ng stock video ng ibang mga bansa.
Agad namang inatras ng DOT ang nasabing promotional video. Kasunod nito, inanunsyo ni Frasco ang terminasyon ng kontrata sa DDB Philippines, sinabi niyang walang ibinayad ni isang sentimo sa nasabing advertising firm.
Samantala, sa kumakalat na ulat sa social media, nakaalitan umano ni Soriano ang DDB dahil iginiit ng huli na lagyan ng comma ang tourism slogan, upang maging “Love, the Philippines” ngunit hindi umano pumayag si Soriano.
Bunsod nito, nagbitiw na lamang umano ang DDB dahil sa pakikialam ni Soriano.
Napag-alaman din na ang promotional video na lumabas ay mismong si Soriano umano ang nag-edit at ang huli ang pumili ng mga lugar na hindi naman pala makikita sa Pilipinas.