
INAASAHANG aabot sa sukdulan sa mga susunod na linggo ang antas ng tubig na nakaimbak sa Angat Dam sa lalawigan ng Bulacan, batay sa pinakahuling ulat ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Service Administration (PAGASA).
Ayon sa PAGASA, lalo pang nabawasan ang water level sa Angat Dam na pinagmumulan ng 90% ng water supply sa National Capital Region (NCR).
Sa ulat ng PAGASA Hydrometeorology Division, dakong alas 6:00 ng umaga bumaba sa 180.89 meters ang water level sa Angat matapos itong mabawasan ng 33 cms – o wala nang isang metro sa 180-meter minimum operating level.
Ayon kay PAGASA Senior Hydrologist Oyie Pagulayan, oras na umabot sa 180 meters ang lebel ng tubig sa Angat ay maaaring bawasan na rin ng National Water Resources Board (NWRB) ang alokasyon ng tubig na ibibigay sa mga water concessionnaire na nagsusuplay sa Metro Manila.
Aniya pa, kung hindi pa rin makakaranas ng pag-ulan sa may watershed ng Angat at magpapatuloy ang pagbaba ng lebel ng tubig ay posibleng sa susunod na linggo ay umabot na sa minimum operating level na 180 meters ang Angat dam.
Umaasa naman ang PAGASA na makakadagdag sa antas ng tubig sa water reservoir ang mga pag-ulan ngayong Hulyo dahil sa habagat.
Una nang nanawagan ang NWRB sa publiko na magtipid sa pagkonsumo ng tubig lalo pa’t dumaranas ang bansa ng epekto ng El Niño phenomenon.