
TALIWAS sa inaasahan, hindi nagawang pababain ng tapyas-taripa sa pag-angkat ang presyo ng bigas sa lokal na merkado, partikular sa National Capital Region (NCR).
Katunayan pa, ayon sa Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG), umakyat muli ang presyo ng bigas sa mga pamilihan sa Metro Manila at mga karatig lalawigan, batay na rin sa datos mula sa Bantay Presyo ng Department of Agriculture (DA).
Ayon kay SINAG Executive Director Jayson Cainglet, nasa P51 hanggang P56 per kilo na ang halaga ng imported well-milled rice at nasa P40-P55 naman ang local well-milled rice.
Walang regular milled rice na imported samantalang P50 hanggang P53 per kilo naman ang local na regular milled rice kahapon.
Noong Disyembre 26, 2023, nasa P38 hanggang P52 per kilo pa ang presyo ng regular milled rice at P40 hanggang P56 per kilo naman ang local na well-milled rice.
Paliwanag ni Cainglet, tumaas ang presyo ng mga imported rice at tapos na rin ang anihan kaya nasa millers at traders na ang mga palay.
Kabilang rin aniya sa dahilan ng pagsipa sa halaga ng bentahan ng bigas ay ang pagtaas ng presyo ng bigas sa pandaigdigang merkado.
Dagdag niya, walang naging epekto ang pagbababa ng taripa sa bigas na kinuha sa labas ng mga bansang kasapi ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN).