
PATULOY na nababaon ang Pilipinas sa pagkakautang. Katunayan, pumalo na sa P14.51 trilyon ang kabuuang pagkakautang ng bansa, batay sa pinakahuling datos na inilabas ng Bureau of Treasury (BTr).
Sa pagtatala ng BTr noong Nobyembre ng nakalipas na taon, P1.3 trilyon ang nadagdag sa utang ng bansa mula nang maluklok sa Palasyo si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong taong 2022.
Kung paghahati-hatian ng 115 milyong mamamayan, sanggol man o matanda, ang bawat Pinoy ay lumalabas na may P126,163 na bahagi ng pagkakautang.
Ayon sa datos ng BTr, ang P4.48 trilyon ay pasok sa kategorya ng foreign debt habanng domestic loan naman ang nasa P10.02.
Lumago ang foreign debt sa kabila ng paglakas ng piso laban sa dolyar sa P55.451 nitong Nobyembre 2023 mula sa P56.598 noong Nobyembre 2022 dahil sa patuloy na pangungutang ng pamahalaan.
Base pa sa datos ng BTr, umabot na sa P567.65 bilyon ang ibinayad ng pamahalaan na interes sa mga inutang mula Enero hanggang Nobyembre 2023.
Paliwanag ng BTr, hindi bumababa ang utang ng Pilipinas dahil mas malaki atg mas marami ang pinagkakagastusan ng pamahalaan kumpara sa nalilikom na buwis, taripa, at iba pang sinisingil ng iba’t ibang mga ahensya.
Nobyembre ng nakaraang taon nang gumastos ang pamahalaan ng P433.65 bilyon – higit na mataas kumpara sa P340.4 bilyong nakolekta.
Mula Enero hanggang Nobyembre 2023, pumalo sa P1.11 trilyon ang budget deficit ng pamahalaan.