MATAPOS ang anim na buwan ng imbestigasyon, handa nang ihayag ng gobyerno ang mga personalidad sa likod ng pinakamalaking operasyon kontra droga sa mga nakalipas na panahin.
Pagtitiyak ng Interior and Local Government Secretary Benjamin “Benhur” Abalos, Jr., may mga ‘ulong gugulong’ kaugnay ng P6.7 bilyong halaga ng shabu na nakumpiska mula sa isang raid sa Maynila noong Oktubre, 2022.
Para kay Aballos — isang abogado — may pinanghahawakang sapat at matibay na ebidensya ang pamahalaan para sa napipintong pagsasampa ng kaso sa mga mataas na opisyales ng Philippine National Police (PNP).
“I am not happy with how the case was handled and that only Master Sergeant Rodolfo Mayo Jr. was axed from the service,” ayon pa kay Abalos.
Ayon pa rin sa Kalihim, buwan pa ng Pebrero nang padalhan niya ng liham si outgoing PNP chief Gen. Rodolfo Azurin na abiya’y hiningan niya ng ulat hinggil sa internal investigation ng naturang insidente — kasama ang pagpuslit ng 42 kilo (mula sa halos isang tonelada) ng shabu ng dalawang pulis na kasama sa operasyon.
Nang tanungin kung sino-sinong mataas na opisyales ng PNP ang dawit sa naturang bulilyaso, nanatiling tikom si Abalos.
Inatasan na rin ng Kalihim si National Police Commission (NAPOLCOM) Vice Chairman Alberto Bernardo na suriin at timbangin ang mga naging aksyon ng Special Task Group sa aniya’y bahid sa integridad ng kampanya ng pamahalaan laban sa kalakal ng drogang kinasasangkutan ng mga mataas na opisyal ng kapulisan.
Nanawagan rin si Abalos ang mga pulis na sangkot sa kaso na magsumite ng leave of absence habang nakabinbin ang kaso.
“I hope those involved in the Mayo case will be on leave. Otherwise, they will be suspended pending investigation,” giit ng kalihim.