
KASUNOD sa naging ulat ng Department of Health (DOH) sa pananatili ng tuberculosis sa top 10 leading causes of death sa bansa, iminungkahi ni Anakalusugan partylist Rep. Ray Reyes ang pagkakaroon ng aktibong pagtutok sa barangay level pa lang ng gamutan sa mga TB patients.
“We need greater involvement from our barangay health system in addressing tuberculosis in our communities. Maraming hamon na pine-presenta ang TB treatment na makakatulong ang mga barangay sa pagtugon,” paggigiit pa ng kongresista, na tumatayo rin vice-chairman ng House Committee on Health.
Ginawa ni Reyes ang panawagan matapos ilabas ng Philippine Statistics Authority (PSA) ng datos kung saan lumabas na pumalo sa 563,465 ang recorded deaths sa bansa mula Enero hanggang Nobyembre ng nakaraang taon.
Sa basabing bilang, 15,689 ay sanhi di umano ng respiratory tuberculosis.
Sinabi naman ng DOH na sa kanilang Field Health Services Information System, umabot sa 119,558 Filipinos ang tinamaan ng TB mula Enero hanggang Disymebre ng nakaraang taon.
Ayon kay Reyes, mayroon tatlong maling paniniwala tungkol sa TB ang dapat burahin sa isipan ng mga mamamayan
“Mayroong takot na lubos itong nakakahawa, bukod sa ina-associate din ang TB sa HIV, kahirapan, at hindi magandang gawain,” sabi pa ni Reyes.
Kaya mungkahi ng neophyte pro-health lawmaker, palakasin din ang information campaign at himukin ang mga may sintomas ng nasabing sakit na agad na kumonsulta o magpatingin sa doktor o kaya’y sa kanilang community health center para sa tamang diagnosis at gamutan.
“Ngunit ang isa pang matinding hamon na nakikita natin ay walang tumututok sa treatment ng mga pasyente. Dahil mahaba ang treatment, kadalasan ay hindi ito nagiging priority ng mga nagkaka-TB kahit na available naman ang lunas,” obserbasyon ni Reyes.
Bilang solusyon, sinabi ng mambabatas na ang pagpapalakas sa barangay health system, kabilang na ang aktibong pagtutok ng barangay health workers ay kailangan para sa matagumpay na TB treatment.
“The directly-observed treatment short course (DOTS) for TB lasts from six to 10 months. The barangays need to establish a community monitoring protocol to ensure that patients abide by the DOTS,” ang hirit pa ni Reyes.
“Our barangay health workers are trusted members of the community, and we should capitalize on this trust to encourage our fellow Filipinos to seek treatment not only for TB, but for all diseases,” mariing sabi ng kongresista.