PORMAL nang nagsampa ng kasong murder sa Manila Regional Trial Court ang Department of Justice (DOJ) laban sa sinibak na congressman kaugnay ng pamamaslang kay Negros Oriental Gov. Roel Degamo at siyam na iba pa sa bayan ng Pamplona nito lamang nakaraang Marso.
“Cases for murder, frustrated murder and attempted murder have been filed against Arnolfo Teves Jr… before the RTC of Manila,” pahayag ni Assistant Secretary Mico Clavano na tumatayong tagapagsalita ng DOJ.
Una nang kinasuhan ng pagpatay ang kongresista bunsod ng di umano’y pamamaslang kay dating provincial board member Michael Dungog, na binaril at napatay noong Marso 25, 2019 sa Dumaguete City; at maging sa pagkitil sa buhay ng isang Lester Bato na bodyguarad ng kalaban sa politika ng pamilyang Teves at ang pagpaslang kay Pacito Libron na di umano’y hitman ng sinibak ng kongresista.
“As for the 2019 murder cases, the case has been filed already in Bayawan, but we are seeking the transfer of those cases in Manila para dito na lahat gagawin,” sambit pa ni Clavano sa isang pulong balitaan.
Inaasahan din ng DOJ na agad na maglalabas ng mandamiento de arresto ang husgado.
“We’re hoping that the judge will find probable cause for both cases,” aniya pa.
Bukod kay Teves na pinaniniwalaang nagtatago sa ibang bansa, idinamay din sa asunto sina Capt. Lloyd Garcia II na di umano’y piloto ng helicopter na ginamit sa pagtakas ng mga hitman na sumalakay sa bahay ni Degamo; Nigel Electona na idineklarang terorista ng Anti-Terrorism Council, isang Angelo Palagtiw at isang nakilala lang sa alyas na “Gee Ann.
Ang mga isinakdal ay hindi pa kasama sa 11 iba pang unang sinampahan ng kasong kriminal.