
HINDI pa man napapawi sa isip ng publiko ang bulilyasong operasyon ng mga pulis Navotas na humantong sa pagkamatay ng 17-anyos na binatilyo, isa na naman bagong kaso ang tatalupan ng Philippine National Police – Internal Affairs Office (PNP-IAS) sa pagpanaw ng isang menor de edad sa bayan ng Montalban sa lalawigan ng Rizal.
Ayon kay PNP-IAS Inspector General Alfegar Triambulo, hindi malayong sampahan ng patong-patong na kasong administratibo si Corporal Arnulfo Sabillo kaugnay ng pagkamatay ng 15-anyos na biktimang si John Francis Ompad.
Batay sa imbestigasyon, nahagip ni Sabillo ang 15-anyos na si John Francis Ompad habang tinutugis ang isang John Ace Ompad (kapatid ng biktima) na nagmamaneho ng motorsiklong hindi tumigil sa inilatag na checkpoint ng Montalban PNP.
Una nang sinampahan ng kasong homicide at attempted homicide sina Sabillo at Baguio sa Rizal Provincial Prosecutors Office.
Batay sa umiiral na patakaran ng PNP, kailangan nakasuot ng uniporme ang mga pulis sa checkpoint. Nakasibilyan si Sabillo nang maganap ang insidente, bagay na pinaniniwalaang dahilan sa likod ng hindi paghinto .
Samantala, lumabas sa record ng PNP na taong 2017 nang maaresto at masuspinde si Sabillo dahil sa alarm and scandal sa Pasig City – na nasundan pa ng isa pang suspensyon matapos hatulang guilty sa kasong panunuba.