
Ni Estong Reyes
NANAWAGAN si Senador Alan Peter Cayetano sa lahat nang nagnanais na amyendahan ang 1987 Constitution na isaalang-alang ang protective nature nito bilang paggalang sa sumulat nito noon.
Sa pahayag, sinabi ni Cayetano na may kadahilanan ang framers ng 1987 Constitution kung bakit ginawa nila itong mahirap baguhin upang hindi maulit ang pagsasamantala ng ilan tulad sa panahon ng diktadurya.
Pakabanggit ng kasabihang, “power corrupts, and absolute power corrupts absolutely,” sinabi ni Cayetano na ito ang dahilan kung bakit binuo ang 1987 Constitution matapos ang 1986 People Power na nagpatalsik kay yumaong Pangulong Ferdinand Marcos.
Layunin aniya nitong balansehin ang kapangyarihan sa tatlong sangay at matiyak na hindi maaring manipulahin ng isang makapangyarihang grupo ang legal na sistema ng bansa.
“The Constitution was made very protective (and) you can’t just change it on a whim,” ayon sa senador sa unang pagdinig ng Resolution on Both Houses No. 6 nitong February 5, 2024.
“No one is saying, ‘Don’t amend the Constitution’ because no one said it’s a perfect document. But what is the underlying principle behind the Constitution, and why did the framers of the Constitution make it difficult to amend?” dagdag niya.
Iminungkahi rin ni Cayetano sa mga nagtutulak ng pag-amyenda na isaalang-alang ang lahat ng ideya na nakatala sa preamble ng Konstitusyon saka idiniin na ang kontrobersiyang nag-ugat sa People’s Initiative (PI) ay nagbantang hatiin ang Senado at Kamara.
“I really want to honor everyone who worked on the Preamble. Throughout this debate, I hope this will guide us because what’s happening now is the opposite of truth, justice, freedom, love, equality, and peace,” ani niya.
Ipinahayag din ni Cayetano na bagamat ang iniaalok ng amyenda ay may kinalaman sa mga probisyong pang-ekonomiya, mas binabantayan ng mamamayan ang mga posibleng politikal na pagbabago na maaaring isulong, lalo na ang pagbabago o pag-aalis ng term limits ng mga halal na opisyal.
Nilinaw niya na ang ganitong pagbabago ay angkop sa mahahalal pa lamang, hindi sa kasalukuyang pulitiko.
“If we can find a way to amend the Constitution but it is effective 10 years from now, then I don’t think anyone will accuse any of us of doing this because of power,” sabi niya.