PUYAT, pagod, pangungulila at peligro. Ilan lang yan sa hamon na kinakaharap ng mga migranteng manggagawa sa ibang bansa.
Kaya naman hirit ni Senador Mark Villar, protektahan ang pondong mula sa remittances ng mga overseas Filipino workers (OFW)
Bilang tugon, partikular na isinusulong ni Villar ang Senate Bill 1917 (Overseas Filipino Workers Remittance Protection Act) bilang pagkilala sa ambag sa bansa ng mga migranteng manggagawa.
Sa isang talumpati, ibinida ni Villar ang aniya’y hindi mamatawarang kontribusyon ng mga OFW sa ekonomiya ng bansa.
Katunayan aniya, pumalo sa “all-time high” $35.63 bilyon ang naitalang 2025 remittances ng mga OFW — katumbas ng 7.3% ng Gross Domestic Product (GDP) ng Pilipinas.
“Considering this essential economic contribution of OFWs, it is imperative that we guarantee the protection of their hard-earned money, which in turn ensures their financial security,” wika ni Villar
Target aniya ng panukalang batas tiyakin hindi maba balewala ang pondong mula sa dugo at pawis ng tinatayang 10 milyong OFWs na nakikipagsapalaran sa ibang bansa.
Mungkahi ni Villar na kabilang sa mga co-authors ng SB 1917, i-regulate ang remittance fees, at paglikha ng mga mekanismong magbibigay proteksyon sa nalikom na pondo.
Kabilang rin sa tinutulak ng senador ang “consumer safeguards, transparency in foreign exchange, and mandating financial literacy for OFWs and their families.”
“Sa pamamagitan ng mga programang ito, masisigurado natin na mabibigyang proteksyon ang mga OFW mula sa iba’t-ibang financial scams at maiwasan ang unsound financial decisions at mauwi sa wala ang kanilang mga pinaghirapan,” dugtong pa ng mambabatas.
Panawagan ni Villar sa mga kapwa senador, pagtibayin sa lalong madaling panahon ang SB 1917.
“It is only right and just that we institutionalize the protection of OFWs and their remittances, which have been keeping the gears of our national development agenda running,” pahabol ng senador. (CESAR MORALES)
