
SA hangaring tiyakin ang maayos at mapayapang Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) na nakatakdang idaos sa Oktubre, mahigpit na binabantayan ng Philippine National Police ang mga nalalabing private army sa iba’t-ibang bahagi ng bansa.
Pagmamalaki ni PNP Public Information Office chief Brig. Gen. Red Maranan, bumaba na rin sa 42 ang bilang ng mga private army mula sa 49 noong Hunyo.
Ayon kay Maranan na tumatayong tagapagsalita ng pambansang kapulisan, tuluyan nang nalansag ng PNP ang pitong malalaking private army, batay sa direktiba ni PNP Chief Police General Benjamin Acorda Jr. bilang bahagi ng paghahanda sa nalalapit na halalan.
Aniya, patuloy at puspusan din ang pagbabantay ng PNP sa mga tinaguriang election hotspots kung saan inaasahan ang mainit na bakbakan ng mga aspirante.
Sa pinakahuling datos na ibinahagi ni Maranan, nasa 27 lugar ang pasok na tinaguriang “areas of grave concern.”