
SA halip na pahupain ang tensyon, mas naging masigasig ang China na iparamdam sa Pilipinas na sila ang siga sa paraan ng pagdispatsa ng mas maraming sasakyang dagat – kabilang ang tatlong barkong pandigma – sa West Philippine Sea.
Batay sa pinakahuling bilang ng Philippine Navy, pumalo sa 251 ang bilang ng mga Chinese vessels na namataan sa loob ng 200-nautical mile Philippine exclusive economic zone – ang pinakamarami ngayong taon.
Sa ulat ng PH Navy, naispatan sa West Philippine Sea ang mga sasakyang dagat ng China mula Setyembre 17 hanggang 23 ng kasalukuyang taon.
Kabilang sa mga namonitor na naglalayag – kung hindi man nakatambay, ang 204 Chinese maritime militia (CMM) vessels, 28 China Coast Guard (CCG) ships, 16 People’s Liberation Army Navy (PLAN) warships at tatlong research vessels.
Sa Bajo de Masinloc o Scarborough Shoal, nakita ang 2 CCG, 2 PLAN, 7 CMM at 1 research ship. Sa Ayungin Shoal, naispatan ang 9 CCG, 62 CMM at 1 research vessel habang sa Pagasa Islands, isang CCG, 23 CMM, at 1 research vessel ang nakita. Tatlong PLAN naman ang nasa Likas Island at 2 CMM habang sa Iroquois Reef, 38 CMM ang nakatambay.
Sa Escoda Shoal na dating binantayan ng BRP Teresa Magbanua, nakapalibot ang 16 CCG, 11 PLAN at 55 CMM.
Pinakamarami anila ang mga barko ng China sa Ayungin at Escoda Shoal.
Samantala, nanawagan ang Armed Forces of the Philippines sa mga Pilipinong mangingisda na huwag matakot na pumalaot sa Bajo de Masinloc sa WPS sa kabila ng presensya ng mga barko ng China.
Ayon kay Navy Spokesperson for the West Philippine Sea Rear Admiral Roy Vincent Trinidad, sa ngayon ay wala naman silang natatanggap na report ng harassment sa mga mangingisdang Pinoy.