
Ni ESTONG REYES
NAKATAKDANG ipatawag ng Senado sa susunod na pagdinig si dating Philippine National Police (PNP) chief General Benjamin Acorda Jr. paraq magbigay linaw sa lumabas na larawan kasama ang mga bigating personalidad sa likod ng illegal Philippine Offshore Gaming Operations (POGO).
Una nang kinumpronta ni Senador Risa Hontiveros sa ika-14 na pagdinig ng Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality si Yang Jian Xin alyas Tony Yang hinggil sa litrato kasama si Acorda.
Si Yang Jian Xin ang nakatatandang kapatid ni former Presidential Economic Adviser Michael Yang.
“Puwede n’yo bang ipaliwanag ang litratong ito. Meeting po ba ‘yan? Sino ang mga kasama at ano ang pinag-usapan n’yo?” tanong ni Hontiveros.
Paliwanag ni Yang, hindi ito isang pagpupulong kundi binisita lang nila ang police chief ng Cagayan de Oro City noong panahon na iyon.
Nang tanungin kung sinong police chief ang tinutukoy niya, sinabi ni Yang na si “Acola o Acoda”, ang tawag niya kay Acorda. Sa pamamagitan ng interpreter, sinabi ni Yang na matagal niyang kilala si Acorda.
Sa pangalawang litrato, makikitang kasama ni Yang si Acorda noong police director pa ito ng Region 10.
Lumabas din ang larawan kung saan makikitang kasama ni Acorda si Sual, Pangasinan Mayor Dong Calugay at Wesley Guo, kapatid ni dating Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo na sinasabing may kaugnayan sa POGO operation sa nasabing bayan.
Sabi ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC), si Tony Yang ay may mga negosyong POGO sa Cagayan de Oro City.
Noong nakaraang linggo, sinabi ni Philippine Amusement and Gaming Corp. (PAGCOR) senior vice president Raul Villanueva na isang dating PNP chief ang tumatanggap ng buwanang payola sa POGO at tumulong din sa pagtakas ni Guo palabas ng Pilipinas noong Hulyo.
Gayunpaman, agad na binawi ni Villanueva ang testimonya kasabay ng paghingi ng dispensa sa mga dating PNP chief.