NI ESTONG REYES
WALANG kahirap-hirap na masusungkit ni Finance Secretary Ralph Recto ang pagkatig ng Commission on Appointments kaugnay ng paghirang bilang Kalihim ng Department of Finance (DOF), ayon kay Senador Jinggoy Estrada.
Gayundin ang paniwala nina Senador Nancy Binay at Lito Lapid na kapwa nagalak sa pag-upo ng Recto na anila’y kilalang mahusay sa usapin ng pananalapi at ekonomiya ng bansa.
Para kay Estrada, angkop lang nna igawad diin ng CA ang tinaguriang parliamentary courtesy na karaniwang binibigay sa mga dating mambabatas sa sandaling isalang sa proseso ng CA confirmation.
“There is a traditional parliamentary courtesy accorded to former colleagues in Congress when they are subjected to confirmation process. By and large, it ensures the appointee a smooth-sailing confirmation process at the Commission on Appointments,” ayon kay Estrada.
Gayunpaman, nilinaw ni Estrada na bilang isang miyembro ng collegial body, maaari lamang siyang magsalita para sa sarili, at hindi kayang panghimasukan ang proseso o magwagi sa kasamahan sa CA sa pag-apruba ng presidential appointees.
“Wala akong nakikitang dahilan para hindi aprubahan ang pagkakatalaga kay Cong. Recto as finance secretary. As a former NEDA chief and Senate ways and means committee chairperson, he is qualified for the post and knows the ropes of the job,” giit ni Estrada.
Samantala, malugod na tinanggap din ni Lapid ang pagkakatalaga kay Recto sa pagsasabing “personal niyang kilala ang bagong DOF Secretary sa larangan ng husay, sipag, talino at malasakit sa kapwa.
“Bilang bagong Kalihim ng Department of Finance, naniniwala ako na magagampanan ni Sec. Recto ng buong husay, may determinasyon at kumpiyansa ang implementasyon ng mga economic programs ni Pangulong Bongbong Marcos, Jr,” ayon kay Lapid.
Nanindigan din si Lapid na hindi matatawaran ang ambag at legasiya ni Sec. Recto sa pagsusulong ng economic reform upang umangat ang pamumuhay ng bawat Pilipino.
Aniya, bukas din ang isipan ni Recto na makinig at timbangin ang magkakaibang panig sa masalimuot na usapin.
“Susuportahan ko ang mga economic reform measure at programs na itutulak ng Marcos administration para sa kapakanan ng buong bansa. Good luck! ,” ayon kay Lapid.
Pinapurihan din ni Binay si Recto na kanyang kababayan sa lalawigan ng Batangas –“Well-deserved appointment as the new Secretary of the Department of Finance. “
“Perfect choice si Deputy Speaker Ralph as finance chief dahil sa kanyang malawak na karanasan bilang isang ekonomista, at sa kanyang di-matawarang kontribusyon sa pagsasaayos ng pananalapi ng bansa bilang NEDA chief at mambabatas,” ayon kay Binay.
Kumbinsido rin si Binay na hindi na kailangan pang magsimula ni Recto sa ibaba upang matuto dahil mayroon na siyang karanasan sa iba’t-ibang senaryo at reyalidad na kinakaharap ng bansa sa maraming hamon na dinanas ng Pilipinas.
“His expertise in finance and economics, and his experience in public administration are of great value to the Administration’s economic team,” ani Binay.
“Being our go-to and numbers-genius guy in the Senate when it comes to budget, taxation and finance, napakalaking bagay ang kanyang exposure pagdating sa paglalatag ng fiscal policy ng pamahalaan,” dagdag ng senadora.
Naniniwala naman si Senador Joel Villanueva na malaking tulong ang pagkakatalaga ni Recto sa kasalukuyang administrasyon dulot ng malawak na karanasan sa sangay ng Lehislatibo at Ehekutibo kabilang ang kaalaman at kakayahan sa ekonomiya at patakarang pananalapi.
“He was our tax whiz back when he was still in the Senate which is why his appointment is definitely good news for the country,” ani Villanueva.
