MATAPOS balewalain ang direktiba ng Kongreso, napipintong kastiguhin ng Kamara si Negros Oriental Rep. Arnulfo Teves Jr. na pangunahing suspek sa kabi-kabilang patayan sa lalawigan Negros Oriental.
Kabilang sa mga masusing pinag-aaralan ng komite ang rekomendasyong suspensyon – o tuluyang tanggalin si Teves bilang miyembro ng Mababang Kapulungan.
“The committee has reached a conclusion by unanimous voting, and we will transmit and submit our report and our recommendation at once to the plenary for appropriate action,” ayon kay House Ethics Committee chairman Rep. Felimon Espares.
“The continuing failure of Representative Teves to heed the order to appear before the panel leaves us [with] no choice but to wrap up the investigation in his case without his valid explanation,” pahayag ng kongresista ilang saglit matapos ang itinakdang deadline ng Kamara kay Teves.
Inaasahan naman isasapubliko ng komite ang rekomendasyon bago isara ang plenaryo bilang paggunita sa Semana Santa.
Sa ilalim ng panuntunan ng Kamara, pwede lang kastiguhin ang isang bulilyasong kongresista kung papabor ang mayorya.
Samantala, pinuri naman ni House Speaker Martin Romualdez ang komite sa maagap na pagtugon sa kanyang panawagang paspasan ang imbestigasyon hinggil sa pagmamatigas ni Teves na bumalik sa Pilipinas para harapin ang mahabang talaan ng mga kasong kriminal na isinampa ng Department of Justice (DOJ) laban sa kongresista.
“We recognize and respect [Teves’] rights as a House member. That’s why we gave him opportunities to come home and clarify the issues he is facing now,” sambit ng lider ng Kamara.
“Teves’ fate now lies [in] the hands of his fellow House members, voting as an institution,” aniya pa.
Pebrero 28 ng kasalukuyang taon nang lumipad si Teves patungo sa Estados Unidos para di umano sumailalim sa ‘stem cell treatment’ pero hindi na bumalik matapos mapaso ang travel authority na inisyu ng Kamara.
Si Teves rin ang itinuturong utak ng siyam na arestadong suspek sa pamamaslang kay Negros Oriental Gov. Roel Degamo noong Marso 4.
Sa kaugnay na balita, inamin ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na nakatanggap siya ng text message mula sa nagtatagong kongresista.
“He wants to talk to me, but I haven’t given an answer because we’re still busy doing what we’re doing. I don’t want it to distract me from what I have to do first,” ani Remulla sa isang panayam.