TULUYAN nang tinanggal sa opisyal na talaan ng mga pulis ang sarhentong nahulihan ng hindi bababa sa P6.7-milyong halaga ng droga sa lungsod ng Maynila noong Oktubre ng nakaraang taon.
Ayon kay Col. Jean Fajardo na tumatayong tagapagsalita ng Philippine National Police (PNP), kumpirmadong hindi na pulis si Sgt. Rodolfo Mayo Jr., matapos katigan ni PNP chief Gen. Rodolfo Azurin Jr. ang rekomendasyon ng PNP-Internal Affairs Service na nagsagawa ng imbestigasyon sa tinaguriang ‘ninja cop.’
Bukod sa pagsibak sa serbisyo, isusulong rin aniya ng PNP ang mga kasong administratibo laban kay Mayo na dating miyembro ng PNP Drug Enforcement Group sa National Capital Region.
Oktubre 2022 nang dakpin ng mga kabaro ang dating drugbuster sa kanyang opisina ng WPD Lending Inc. sa Quiapo kung saan halos umabot sa isang toneladang shabu ang nakuha sa pag-iingat ni Mayo.
Pagtitiyak ni Azurin, ‘walang singaw’ sa pagsipa kay Mayo kasabay ng giit na tututukan ang mga kasong kriminal na kinakaharap ng sinibak na sarhento.
“I directed the DLOD (Discipline, Law and Order Division) of our DIDM (Directorate for Investigation and Detection Management), because I don’t want this to be reversed on technicality later on. We want to make sure that the recommendation of the IAS will be sustained and will not be reversed which may result in the reinstatement of this police officer into the service,” ani Azurin.
Sa pagkakasibak kay Mayo, kanselado na rin lahat ng mga nakalaang benepisyo sa mga nagsilbi sa pambansang kapulisan.