KINASTIGO ng sektor ng mga magsasaka at kababaihan ang programang Rice-For-All ng Department of Agriculture (DA) kasabay ng giit na band-aid solution lamang di umano ang kayang itugon ng gobyerno.
Sa isang pahayag, nanindigan ang Amihan National Federation of Peasant Women at ng grupong Bantay Bigas hindi kailangan ng sambayanang Pilipino ang isang pansamantalang solusyon sa lumalalang food inflation.
Para kay Cathy Estavillo na tumatayong kalihim ng Amihan at tagapagsalita ng Bantay Bigas, fake news ang paandar ng DA.
Paliwanag ni Estavillo, hindi kayang tugunan ng nasabing programa ang krisis na dinaranas ng mga mamamayan lalo pa’t limitado lang ang supply ng bigas na binebenta sa mga Kadiwa outlets sa murang halaga.
Hamon ng grupo sa DA – dalhin sa palengke ang laksa-laksang supply ng murang bigas para maramdaman ng lahat ang tunay na malasakit ng pamahalaan.
Anila, katulad lang din umano ng mga nagdaang gimik ng gobyerno ang Rice-For-All program ng departamento. Kabilang sa mga tinukoy ng militanteng tagapagsalita ng Amihan ang bentahan ng bigas sa halagang P25 per kilo noong 2022 at 2023, ang P41 at P45 kada kilong price cap sa bisa ng Executive Order No. 39 noong 2023, at ang Bigas P29, na anila’y pawang remedyo lang sa mas malalim na problema.
Aniya pa, ampaw ang programang nakatuon sa pag-angkat ng bigas sa ibang bansa, sa halip na pagtuunan ang pangangailangan ng mga magsasaka.
Wala rin aniyang katiyakan na mananatili sa ganung antas ng presyo ang bigas na binebenta ng gobyerno dahil na rin umano sa pabago-bagong halaga ng bigas sa pandaigdigang merkado.
