MATAPOS ang pag-aresto sa tatlong dayuhang menor de edad na nagtangkang pumasok sa Pilipinas gamit ang mga German passport, nabisto ng Bureau of Immigration ang bagong pakulo ng mga sindikato sa likod ng human trafficking.
Sa isang kalatas, naglabas ng direktiba ang pamunuan ng Bureau of Immigration (BI) para sa ibayong paghihigpit sa mga dayuhang kabataang nagpapakilalang German national matapos kumpirmahin ng International Police Organization (Interpol) ang malawakang human trafficking gamit ang mga German passports.
Paglilinaw ng Interpol, hindi peke ang mga German passports na gamit ng sindikato – pero lumalabas sa beripikasyon na pawang nakaw ang mga nasabing pasaporte, kabilang yaong mga kinumpiska ng mga Immigration officers na nasa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) mula sa tatlong batang Vietnamese na nagtangkang pumasok sa Pilipinas.
Sa interogasyon, inamin ng tatlong batang dayuhan na hindi sa kanila ang ginamit na German passports na pinagamit lamang sa kanila ng hindi pinangalanang fixer mula sa pinagmulang bansa.
Pawang naibalik na sa Vietnam ang tatlong kabataan.
Ayon kay Commissioner Norman Tansiongco, inalerto na rin aniya ng kanyang tanggapan ang mga immigration officers na nakatalaga sa mga paliparan sa hangaring pigilan ang bagong modus ng human trafficking.
Bukod sa tatlong pinabalik sa Vietnam, meron pa aniyang isa pang Vietnamese na nasabat sa NAIA Terminal 1 noong Hulyo 23 bago pa ito makasakay ng Korean Airlines flight patungo sa Incheon, South Korea bago dumiretso sa Toronto, Canada.
Inamin di umano ng 17-anyos na gagamitin sana ang bitbit na german passport para makapasok siya sa Canada.
Nasa kustodiya ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang Vietnamese habang sumasailalim sa deportation proceedings.
