HINDI pa man nakakabwelo, sinopla na agad ni Senate President Francis Escudero ang panukalang inihain ni Senador Robin Padilla kaugnay ng hirit na batas para protektahan ang mga celebrity endorsers na nadadamay sa kabi-kabilang investment scam sa bansa.
Ayon kay Escudero, walang dahilan para muling balikan at busisiin ang umiiral na “securities law” sa gitna ng kaso laban sa ilang celebrity endorsers ng isang aesthetic company.
“Personally, wala ako nakikitang pangangailangan,” ayon kay Escudero sa ginanap na Kapihan sa Senado hinggil sa panukalang bisitahin ang securities law.
“Para sa akin sapat yung batas. Ihiwalay mo ang ordinaryong endorser sa endorser na partner pa. Ang alegasyon ay maliban sa endorser-partner bahagi kasama sa korporasyon o kumpanya,” aniya.
Sinabi ni Escudero na kinasuhan ang mga artista dahil inaakusahan silang bahagi o may-ari ng kompanya pero hindi bilang endorser.
“A mere endorser should not be liable to any scams that will happen doon sa restaurant, o doon sa negosyo o doon sa business,” aniya.
Kamakailan lang, naghain si Padilla ang Senate Bill 2889 na naglalayong bigyan ng angkop na proteksyon ang mga endorsers na nadadawit sa usaping legal kaugnay ng investment scam.
Gayunpaman, nilinaw ng lider ng senado na siya’y bukas na pag-aralan ang panukala ng sinumang miyembro ng Kongreso.
“Kung iba ang pananaw ng mga kasamahan ko rito, mga miyembro ng Kongreso, bukas ang aking isip na pag-aralan at tingnan muli, baka naman may hindi ako nakikita,” ayon kay Escudero.
Sa naturang forum, binanggit din ni Escudero na pinarerebyu ng kanyang kabiyak,si Ms Heart Evangelista ang anumang kontrata na pinapasukan nito bilang endorser.
“Pinapa-review sa akin nung asawa ko yung mga pinipirmahan niya pero walang bayad yung attorney’s fees. Wala naman mawawala na maging maingat sinuman… Huwag masyadong manggigil ika nga dahil lamang may malaking kita na nakaamba sa kanila,” ayon sa Senate president. (Estong Reyes)
