MATAPOS ang walong taon ng paghihintay mula nang unang inihain ang panukala, isa nang ganap na batas ang Ligtas Pinoy Center Act na naglalayong magtaguyod ng permanent evacuation center sa kada lokalidad.
Sa isang pahayag, pinapurihan ni Senador Sherwin Gatchalian ang paglagda ng Pangulo sa Republic Act 12076 na magbibigay-daan sa pagtatayo ng permanenteng evacuation center sa lahat ng lungsod at munisipalidad sa bansa.
Para kay Gatchalian, napapanahon na rin gawing eksklusibo sa edukasyon ang mga pampublikong paaralan na karaniwang ginagawang pansamantalang panuluyan ng mga pamilyang apektado ng kalamidad sa mga nakalipas na panahon.
Sa ilalim ng RA 12076, magtatayo ng mga permanent evacuation centers sa mga strategic at ligtas na lokasyon sa komunidad na malayo sa panganib. Magsisilbing agaran at pansamantalang silungan ang mga evacuation center para sa mga naapektuhan ng mga kalamidad at sakuna kagaya ng mga bagyo, baha, lindol, pagsabog ng bulkan, apoy, outbreak ng mga sakit, at iba pa.
Sa rekord ng Kongreso, taong 2016 nang unang inihain sa senado ng noo’y bagitong senador ang naturang panukala, at muling isinumite noong 2019 sa ilalim ng 18th Congress.
Upang matiyak na matatag ang mga evacuation center, dapat kaya ng istruktura ang hampas ng hangin na may bilis na hindi bababa sa 300 kilometers per hour at lindol na hindi bababa sa 8.0 magnitude. Nakasaad din sa batas ang pagkakaroon ng kumpletong pasilidad sa mga evacuation centers — tulugan ng mga evacuees, health care areas, at mga ligtas na espasyo para sa mga bata at kababaihan.
Ayon kay Gatchalian, makatutulong ang evacuation center sa mga lungsod at munisipalidad upang matiyak ng mga local government units ang kaligtasan ng mga mamamayan sa panahon ng mga sakuna. Binigyang diin niya rin na nakakaantala sa pag-aaral ng mga bata ang paggamit sa mga paaralan bilang evacuation center.
“Ngayong pwede na nating patayuan ang bawat lungsod at munisipalidad ng evacuation center, mas matitiyak natin ang kaligtasan ng ating mga kababayan sa panahon ng mga sakuna. Dahil sa Ligtas Pinoy Centers Act, darating ang araw na hindi na tayo gagamit ng mga classroom bilang evacuation center,” ani Gatchalian. (Estong Reyes)
