Ni ROMEO ALLAN BUTUYAN II
KUMBINSIDO ang pamunuan ng Kamara na magandang senyales ang pasya ng Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) na itaas sa 1,400% ng “Z benefit package” para sa mga miyembro, higit na angkop na isulong ang pagdaragdag at pagpapalawak sa iba pang benepisyo at serbisyong ipinagkakaloob ng ahensya sa mga mamamayang Pilipino.
“We applaud PhilHealth for its substantial increase in support for breast cancer patients, marking a significant stride towards advancing healthcare,” pahayag ni House Speaker Martin Romualdez
“Moreover, expanding other benefits and services, particularly in early cancer detection for timely interventions, is essential to ultimately enhance accessibility to cancer care and for addressing other diseases,” dagdag ng lider-kongresista.
Ginawa ni Romualdez ang pahayag kasunod ng anunsyo ng state health insurer na mula sa P100,000 ay magiging P1.4 million na ang halagang mapapakingabangan ng mga breast cancer patients.
Paglalarawan ng House Speaker, malaking kaginhawaan ang pagtataas sa “Z benefit package” sa gastusin sa pagpapagamot ng mga pasyente may breast cancer.
Gayunpaman, naniniwala si Romualdez na di dapat kalimutan ng PhilHealth ang programa para sa early detection ng iba pang sakit bilang isang konkretong hakbang para mapataas ang survival rates at maging epektibo ang gamutan sa mga cancer patients at iba pang may mabigat na karamdaman.
Nauna rito, inatasan ng Leyte lawmaker ang House Committee on Health na magsagawa ng masusing pag-aaral at pagrebisa sa PhilHealth Charter, partikular ang layuning mapalawak at mapataas sa ang health coverages at benefits nito kabilang ang para sa early cancer detection program ng ahensya.
Nais din ni Speaker Romualdez na isaklaw ng PhilHealth ang hanggang sa 50 percent ng gastos sa private hospital wards at magkaloob din ng free examinations para sa maagap na pagtukoy sa iba’t-ibang karamdaman o sakit gaya ng cancer.
Partikular na tinukoy ni Romualdez ang critical diagnostic exams tulad ng ng x-rays para sa lung cancer, mammography para naman sa breast cancer, at ang pagbibigay ng HPV vaccine upang maiwasan ang cervical cancer.
