PARA kay Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers, walang dating maski katiting si former Presidential spokesperson Harry Roque.
Partikular na binatikos ni Barbers na tumatayong chairman ng House Committee on Dangerous Drugs, ang panawagan ni Roque sa publiko na sumama sa EDSA tuwing Biyernes para magprotesta laban sa di umano’y pagsikil ng gobyerno sa “Freedom of Expression.”
Mungkahi ni Barbers kay Roque, bawas-bawasan ang paniwalang siya’y isang importanteng political figure sa bansa.
“Ang masasabi ko lang, medyo parang siguro bawas-bawasan ni Atty. Harry Roque yung paniwala niyang napaka-importanteng political figure niya para sikilin ang kanyang freedom of expression, para sikilin yung kanyang mga sinasabi,” wika ni Barbers.
“Kung ikaw ay naniniwala na napaka-importante mo eh nasa sa iyo na ‘yun,” dagdag pa nito.
Kung nais aniya ng gobyerno na patahimikin ang oposisyon, hindi si Roque ang pupuntiryahin.
“‘Wag na sanang haluan ng politika dito. Wala hong politika dito dahil kung meron sisikilin na freedom of expression, eh ‘di sana hindi ikaw, ‘no, hindi ikaw, marami siguro d’yan,” pasaring pa ng kongresista.
