Ni ESTONG REYES
TILA kwentong barbero lang ang napiga ng Senado mula kay Shiela Guo matapos sumalang sa pagdinig ng Senate subcommittee on justice kanina.
Ayon kay Shiela, nakababatang kapatid ng sinibak na Bamban Mayor Alice Guo, bangka lang ang sinakyan nilang magkakapatid sa paglisan sa Pilipinas.
“Sakay po kami ng boat,” ani Shiela sa komiteng inatasang mag-imbestiga sa pagtakas ng dating mayor na dawit sa illegal POGO operation sa bansa.
Kwento pa ni Shiela, isang van di umano ang sumundo sa kanila (Alice, Wesley at siya) mula sa kanilang bahay sa Tarlac. Mula sa bahay, magdamag di umano ang ginugol ng biyahe bago makarating sa isang lugar kung saan meron aniyang bangkang naghihintay sa kanila.
“Siguro after dinner 7:08 tapos ang dating namin hatinggabi. Di ko sure kung tama po kasi di ko maano sa oras,” aniya.
Gayunpaman, iginiit ni Shiela na wala siyang ideya saan lugar naghihintay sa kanila ang bangkang meron lang umanong kapasidad para sa 10 tao.
Matapos aniya ang ilang oras na paglalayag, lumipat di umano sila sa malaking fishing boat na naghatid naman sa kanila sa ikatlong stop-over para lumipat ulit sa mas maliit na bangkang nagdala sa kanila sa Malaysia.
“Siguro hatinggabi kami sakay tapos halos umaga na. “May palit pa isa ulit. Yung maliit naman na parang kulay blue o green.”
Gayunpaman, may ilan sa mga senador ang diskumpyado sa kwento ni Shiela lalo pa’t higit na kilala ang karagatan sa katimugang bahagi ng bansa bilang pugad ng mga pirata.
Bukod kay Alice Guo, kabilang sina Shiela at Cassandra Li Ong (incorporator ng sinalakay ng POGO hub sa Porac, Pampanga) sa mga personalidad na inisyuhan ng warrant of arrest matapos isnabin ang paanyaya na humarap sa pagdinig ng senado. (Dagdag ulat at litrato ni Cesar Morales)
