BAGAMAT inirerespeto ni Senador Bong Go ang desisyon ng Palasyo na alisin ang state of public health emergency sa bansa, narsrapat lang ibigay na ng gobyerno ang naipit na benepisyo ng mga healthcare workers na nakipagpatintero sa peligro noong panahon ng pandemya.
Ayon kay Sen. Bong Go na tumatayong chairman ng Senate committee on health and demography, kasama sa hindi pa naibibigay ang allowance at death benefits ng healthcare workers na nagbuwis ng buhay laban sa pananalasa ng COVID-19.
“We respect the decision of President Bongbong Marcos, Jr. of lifting the state of public health emergency in our country. We trust that it was arrived at after careful consideration of the present health issue and the need to finally open up the economy,” ayon kay Go.
Gayunpaman aniya, “ang apela ko sa executive branch ng gobyerno ay siguraduhin pa ring maibibigay sa ating mga healthcare workers ang dapat nilang nakuha noon ayon sa batas.”
“Kasama na diyan ang mga hindi pa nabibigyan ng kanilang COVID-19-related allowances, pati ang mga death benefits para sa mga nagbuwis ng buhay sa ating laban kontra COVID-19,” ayon sa senador.
Aniya, meron o walang State of Public Health Emergency, dapat tuparin ng pamahalaan ang obligasyong protektahan ang buhay ng mamamayan at pagtupad sa pangakong benepisyo sa mga medical frontliners.
“Ang apela ko naman sa mga kababayan natin, patuloy pa rin tayong mag-ingat, alagaan ang ating katawan at unahin ang ating kalusugan. Marami na tayong natutunan at naisakripisyo nitong panahon ng pandemya na magsisilbing aral sa atin upang mapangalagaan ang ating komunidad laban sa iba’t ibang health threats,” aniya.
Pagtitiyak ni Go, patuloy ang pagsusulong ng mga panukalang batas at susuporta sa mga programa ni Pangulong Marcos Jr. na makakapagpabuti ng ating health system at makakatulong sa mahihirap.
“Ilapit natin sa tao ang serbisyo medikal mula sa gobyerno at siguraduhin nating hindi napapabayaan ang mga higit na nangangailangan, lalo na ang mga mahihirap na mga Pilipino.”