
SA gitna ng pagsibol ng Artificial Intelligence (AI) ang posibilidad ng sibakan sa trabaho – at walang magagawa ang gobyerno sa mga pagbabagong kalakip ng makabagong teknolohiya, pag-amin ni Department of Labor and Employment (DOLE) Secretary Bienvenido Laguesma.
Partikular na tinukoy ni Laguesma ang napipintong pagbabawas ng empleyado ng mga pribadong kumpanyang nagpaplanong gumamit ng AI sa hangaring makatipid sa operasyon ng negosyo.
Para kay Laguesma, ang tanging pwedeng maging tugon ng gobyerno ay ang paghandaan ang epekto ng AI sa paraan ng ayuda sa mga tatamaan empleyado.
“Bawat pagbabago sa larangan ng paggawa, hindi maitatanggi na meron pwedeng maging dislokasyon pero mahalaga siguro, paghandaan natin,” wika ng Laguesma.
Hinikayat din ng Kalihim ang mga negosyante na ikonsidera ang ibang alternatibo sa planong pagbabawas ng mga tao sa kani-kanilang negosyo.
Nakatakda na rin aniyang makipag-ugnayan ang kagawaran sa mga employers para kausapin at paliwanagan sa posibleng epekto ng AI sa mga manggagawang mawawalan ng trabaho, kasabay ng pagtataguyod sa isinusulong ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) na ‘innovation centers’ para sa angkop na kasanayan, kaalaman at alternatibong kabuhayan.
“From every loss, mayroon ding gains na nakikita.Mayroon ding kapakinabangan dahil kailangan tayong sumabay sa mga kaganapan sa buong mundo dahil kailangan nating maging competitive,” pagtatapos ni Laguesma.