
MAHIGPIT na pinaalalahanan ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benjamin Abalos Jr. ang mga local chief executives (LCEs) na masusing i-monitor ang mga kaganapan sa mga lugar na tinatahak ng bagyong Egay at agad na magpatupad ng disaster preparedness protocols upang matiyak ang kaligtasan ng kanilang mga residente.
Sa isang pahayag, inatasan ni Abalos ang mga gobernador, alkalde at iba pang LCEs na tiyaking sila ay nasa kanilang mga pwesto, bago, o sa panahon ng pananalasa at pagkatapos tumama ang bagyo sa kani-kanilang nasasakupan.
Batay sa kautusan ni Abalos, mahigpit na ipatupad ang “Operation L!STO” disaster protocols ng DILG.
Nabatid na sa ilalim ng Operation L!STO protocols, kabilang sa mga responsibilidad ng mga LCEs ang pangunguna sa mga local disaster councils sa loob ng 24-oras upang makuha ang pinakabagong severe weather bulletin.
Kinakailangan din aniyang rebyuhin ang local disaster contingency plans at hazard risk maps, bumuo ng mga grupong magsasagawa ng search-and-rescue, search-and-retrieval, security, at clearing operations.
Ang mga gobernador at mga alkalde ay may mandato ring magsagawa ng risk assessment bago tumama ang bagyo upang makabuo ng kaukulang response plans, i-assess ang lagay ng mga evacuation centers, at i-activate ang kanilang incident command systems.
Paalala pa ngg DILG chief, responsibilidad ng mga gobernador at mga alkalde na payuhan ang mga residente sa kanilang lugar na umiwas sa mga ipinagbabawal sa panahon ng kalamidad.