SA hangaring magsilbing ehemplo sa mga kapwa mambabatas, tuluyan nang isinapubliko ni House Speaker Faustino Dy III ang kanyang Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN).
Batay sa inilabas na SALN, lumalabas na may P74.01 milyon kabuuang yaman ang lider ng Kamara.
Sa isang kalatas, hinamon ni Dy ang mga kapwa kongresista na isapubliko na rin ang kani-kanilang SALN bilang pagtalima sa Republic Act 6713 (Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees).
Para tiyakin ang tinawag niyang “transparency” at “accountability” sa hanay ng mga lingkod-bayan, iniutos ni Dy ang muling pagbuhay sa House Statement of Assets, Liabilities and NetWorth (SALN) Review and Compliance Committee.
Batay sa isinapublikong SALN, lumalabas na may total assets na P121.1 milyon ang lider ng Kamara. Sa naturang halaga, P47.12 milyon ang liability ng lider-kongresista — katumbas ng P74.01 million net worth.
Kabilang sa mga idineklara ni Dy ang 11 agricultural properties kung saan dalawa ang minana sa mga ninuno at siyam naman ang ipinundar mula 1981 hanggang 1996.
Tinukoy din ng lider ng Kamara ang limang residential properties — dalawang minana at tatlong iba pa na binili sa pagitan ng 1986 at 2009.
Bahagi naman ng inilatag ni Dy ang P25.18 milyong cash, mga alahas na aabot sa P12 milyon, investment shares of stocks na P1.6 milyon at P500,000, investment na nasa P27.50 milyon ang halaga, P10-milyong halaga na warehouse farm, limang sasakyan at machineries and equipment na nasa P490,000.
Sa kanyang liabilities, tatlo ang tinukoy ni Speake — P10 million at P30 million accounts payable at ang P7.124 agricultural loan.
Samantala, sa memorandum order na may petsang October 20, 2025, itinalaga ni Dy si Deputy Speaker at South Cotabato 2nd District Rep. Ferdinand L. Hernandez bilang Chairperson ng SALN Review and Compliance Committee.
Hinirang naman bilang vice chairpersons ng naturang komite sina Iloilo 3rd District Representative Lorenz R. Defensor at Marikina 2nd District Representative Romero Federico S. Quimbo.
Kabilang naman sa mga miyembro ng SALN Review and Compliance Committee sina Rep. Jose “Bong” J. Teves Jr. (TGP Partylist); Rep. Maria Cristina C. Angeles (Tarlac 2nd District), Rep. Wilfrido Mark M. Enverga (Quezon 1st District), Rep. Angelo M. Barba (Ilocos Norte 2nd District), at Rep. Arlene J. Bag-ao (Dinagat Islands Lone District).
Una nang sinabi Speaker Dy na muling rerepasuhin ng Kamara ang panuntunan para ibukas sa publiko ang SALN ng mga kongresista matapos na rin ihayag ni Ombudsman Chief Crispin Remulla na pag-aalis sa naunang pagbabawal na public access sa SALN ng government officials at employees. (ROMER R. BUTUYAN)
