ANG dapat sana’y mahabang ‘bakasyon’ lang para sa mga lokal na opisyal ng Urdaneta City sa lalawigan ng Pangasinan, nauwi sa pamamaalam matapos sibakin ng Office of the Ombudsman ang mayor, vice mayor at anim na konsehal sa nasabing lungsod. Sa direktiba ng Ombudsman, inatasan sina Urdaneta City Mayor Julio Fernandez Parayno III, Vice Mayor Jimmy Dereje Parayno, at anim pang konsehal na lisanin ang pwesto. Ang dahilan — pagsuway sa suspension order ng Pangulo. Nag-ugat ang kaso sa 12-month suspension na ipinataw ng Office of the President sa alkalde at bise alkalde dahil sa grave misconduct at grave abuse of authority. Enero 7, 2025 nang tangkain ng mga tauhan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na isilbi ang suspension order. Pero sa halip na tatakan, tinanggihan ng mga kawani tanggapin ang mga dokumento. Nang balikan, tumambad ang tanggapan ng alkalde — sarado at protektado ng kandado. Gayundin ang dinatnan nang puntahan ng DILG personnel ang tanggapan ng vice mayor. Gayunpaman, nagpatuloy umano ang pagpirma ng alkalde at vice mayor sa mga office memorandum at tseke. Samantala, tumanggi naman ang mga konsehal sundin ang designation order na magbibigay-daan para sa pansamantalang panunungkulan sa lokal na pamahalaan bilang mayor at vice-mayor. Facebook Twitter/X LinkedIn Post navigation Isa pang radio broadcaster itinumba sa Albay