
Ni Jimmylyn Velasco
PARA kay Vice President Sara Duterte, isang hayagang kawalan ng respeto kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagtalakay ng Kamara sa resolusyong humihikayat sa administrasyon na makipagtulungan sa International Criminal Court (ICC) kaugnay ng madugong giyera kontra droga ng amang dating Pangulo.
Panawagan ng batang Duterte sa Kamara – igalang ang ‘non-cooperation policy’ ni Marcos Jr. sa di umano’y panghihimasok ng ICC sa bansa.
Partikular na tinukoy ng Bise-Presidente ang posisyon ng Pangulo na inilahad noong Hulyo hinggil sa ICC probe para sa kasong crime against humanity na inihain ng mga naulilang pamilya ng mga nasawi sa giyera kontra droga sa ilalim ng termino ni dating Pangulo Rodrigo Duterte.
“We urge the House to respect the position of the President, who is the chief architect of our foreign policy,” pahayag pa ni Sara.
Dagdag pa niya, ang pagbibigay ng pahintulot sa ICC prosecutors na imbestigahan ang mga umano’y krimen na nasa ilalim ng hurisdiksyon ng local courts ay hindi lamang ‘patently unconstitutional’ kundi panghahamak sa pinaiiral na hustisya sa bansa.
“Huwag nating insultuhin at bigyan ng kahihiyan ang ating mga hukuman sa pamamagitan ng pagpapakita sa mundo na tayo ay naniniwala na mga dayuhan lang ang tanging may abilidad na magbigay ng katarungan at hustisya sa ating sariling bayan,” anang bise presidente.