Ni Lily Reyes
KASABAY ng ika-14 na anibersaryo ng tinaguriang Maguindanao Massacre, hinatulan ng Sandiganbayan 6th Division si Datu Unsay Andal Ampatuan Jr. ng 210 taong pagkabilanggo kaugnay ng kasong katiwalian na naganap sa panunungkulan ng yumaong dating Maguindanao Gov. Andal Ampatuan Sr.
Sa 96-pahinang desisyon ng Sandiganbayan, napatunayang nagkasala ng walang bahid alinlangan si Ampatuan sa 21 kaso ng graft kaugnay ng pagsusuplay ng langis sa pamahalaang panlalawigan sa ilalim ng termino ng amang dating gobernador.
Bukod sa pagkabilanggo, inatasan rin ng Sandiganbayan si Ampatuan Jr. na magbayad ng P44.1 milyon kaugnay ng kaso. Bahagi rin ng hatol ang ‘perpetual disqualification’ sa anumang pwesto sa gobyerno.
Nag-ugat ang kaso nang nakipagkasundo ang Maguindanao provincial government na bumili ng krudo mula sa petrol station na pag-aari ng batang Ampatuan.
Ayon sa Sandiganbayan, nagkaroon ng sabwatan sa hanay nina Ampatuan Jr., Ampatuan Sr. at iba pang opisyales ng pamahalaang panlalawigan.
Kasalukuyang nakapiit sa New Bilibid Prison (NBP) facility sa Muntinlupa City si Ampatuan kaugnay ng Maguindanao Massacre kung saan 58 katao ang pinaslang – kabilang ang 32 mamamahayag.
