MATAPOS makasama sa talaan ng mga mambabatas na isinama sa Immigration Lookout Bulletin Order (ILBO), mistulang butas ng karayom ang kailangan daanan ni Senador Jinggoy Estrada para makakuha ng permiso sa pagbiyahe patungo sa ibang bansa.
Katunayan, binigyan lamang ng limang araw ng Sandiganbayan si Estrada para kumpletuhin ang mahabang “checklist” ng mga requirements na gagamiting batayan kung papayagan umalis sa bansa ang senador na kabilang sa mga sinampahan ng kaso kaugnay ng flood control scandal.
Sa dokumentong isinumite sa Sandiganbayan, pormal na hinihiling ni Estrada ang permiso para makapunta sa bansang Japan mula Disyembre 26 hanggang 31 — bukod pa sa planong biyahe patungo sa Norway, Iceland at Austria mula Enero 5 hanggang 15 sa susunod na taon.
Una nang inutos ng Department of Justice (DOJ) na isama sa listahan ang pangalan ni Estrada sa ILBO na para mas madaling manmanan at bantayan ang galaw ng senador na dati nang nakulong bunsod naman ng kasong plunder na may kaugnayan sa pork barrel scam.
Sa ilalim ng umiiral na panuntunan ng pamahalaan, limitado ang galaw ng sinuman nasa ILBO. Kabilang sa mga requirements na hirit ng Sandiganbayan ang itinerary, hotel booking details, authority to travel at affidavit of undertaking. (JULIET Q. PACOT)
