SA hangarin ng pamahalaan mabawi lahat ng nawalang pondo at buwis na hindi nabayaran, muling naghain ng kasong tax evasion ang Bureau of Internal Revenue (BIR) laban sa dalawang construction companies na sangkot sa maanomalyang flood control projects sa Baliuag, Bulacan.
Personal na nagtungo sa Department of Justice (DOJ) si BIR Commissioner Charlito Mendoza para sa pagsasampa ng P13-million tax evasion case laban sa sa IM Construction Corporation at SYMS Construction Trading sa Bulacan.
Ayon kay Mendoza, nagdeklara ng production cost pero walang nagawa ang dalawang kumpanya sa pumping station at flood gate at isa pang river wall sa lalawigan ng Bulacan.
Sa isinagawang imbestigasyon ng kawanihan, lumalabas na nakasungkit ng milyon-milyong proyekto ang IM Construction Corporation at SYMS Construction Trading, pero walang isinumiteng income tax return sa BIR.
Bistado rin aniya ang pamemeke ng transaksyon para makaiwas sa pagbabayad ng buwis sa pamahalaan para sa taong 2024 at sa unang bahagi ng kasalukuyang taon. (JULIET Q. PACOT)
