November 4, 2024

saksipinas

Palaban, Walang Kinikilingan

SENADO HUMIRIT, CHINESE AMBASSADOR TARGET PALAYASIN

Ni Estong Reyes

DUMARAMI ang bilang ng mambabatas na humihiling sa Palasyo na patalsikin kaagad si   Chinese Ambassador to the Philippines Huang Xilian matapos ang sunod-sunod na panggigipit at pag-atake ng Chinese Coast Guard sa barko ng Pilipinas sa West Philippine Sea nitong nakaraang linggo.

Bukod kina Senate President Juan Miguel Zubiri at Senador Nancy Binay, gustong patalsikin din si Huang ni Senador JV Ejercito dahil sobra nang walang silbi ang embahador upang manatili ang maayos na relasyon ng Maynila at Beijing.

“Ang message ko kay ambassador… Umuwi ka na. Hindi ka mabuti sa atin,” ayon kay Ejercito, na nagsalita sa lengguwaheng Mandarin.

“I agree with Senate President Migz Zubiri, ‘di dahil gusto natin na signal ito na giyera kaya lang sa tingin ko ‘yung Chinese Ambassador dito has been very hostile. Dapat nga siya ang maging diplomatic line… to ease the tension because of the current circumstances kaya lang ang nangyayari siya pa ang nagbubuhos ng gasolina,” giit niya.

Binanggit din ni Ejercito ang insidente na pinagsabihan umano ng Chinese ambassador si   Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff Romeo Brawner sa salitang “stop provoking (China).”

Nakisama din si Binay sa panawagan ni Zubiri at Ejercito saka tinukoy ang mga nakarang pagkilos ng   Chinese diplomat.

“Siyempre sa akin siguro mas sinusuportahan ko ‘yung posisyon ni Senate President Zubiri. Alam naman natin na parang namumuro na talaga yung ambassador ng China lalong-lalo na sa Senado,” aniya.

“So baka mas maganda siguro puwede silang magpadala ng mas maayos, ‘yung mas madaling kausapin,” dagdag niya.

Bukod sa naturang mambabatsas, nanawagan din si  Senate foreign relations vice chairman Francis Tolentino sa pagpapauwi  ng  Philippine Ambassador to China.

“Our nation cannot afford to maintain diplomatic complacency when our citizens are subjected to harassment and intimidation [in] our Exclusive Economic Zone,” ayon kay Tolentino sa statement.

Samantala, matinding binatikos din ni  Senate Deputy Minority Leader Risa Hontiveros  ang patuloy na panggigipit at panghihimasok ng China laban sa mga   Filipinos sa WPS.

“Nakakasawa talaga ang Tsina. Parang ginagawa na nilang protocol ang aggressive actions. Mas malalim sa sawa natin ang intensyon na wag isuko ang West Philippine Sea, Exclusive Economic Zone, at buong maritime zone ng Pilipinas,” aniya sa hiwalay na panayam.

Kasabay nito, matinding hiniling din ni Senador Jinggoy Estrada  sa China na igalang ang international law, itigil ang panghihimasok at panggigipit na makakasagabal at makakaapekto sa kapayapaan at seguridad ng rehiyon.

“The Philippines has consistently advocated for peaceful and diplomatic solutions to disputes, and we call on all parties involved to engage in meaningful dialogue to address the root causes of these incidents. We must pursue avenues that promote cooperation, understanding, and respect for each other’s rights in the pursuit of a stable and secure region,” ayon kay Estrada.

Sinabi ni Estrada na hindi dapat nangyayari ang mga aksyon ng China Coast Guard (CCG)  na pawang malinaw na paglabag sa karapatang pantao, batas ng karagatan at nagpapakita ng kawalan ng paggalang sa soberenya ng Pilipinas.