UMAPELA si Senador Robinhood “Robin” C. Padilla nitong Martes sa Department of Budget and Management para maghanap ng pondo para sa mga benepisyo ng barangay health workers (BHWs), lalo na ang mga nasa malalayong lugar.
Ani Padilla, bagama’t mga “foot soldiers” ang BHW para tiyakin ang kalusugan ng mga Pilipino lalo na sa malayong lugar, hindi lahat na local government unit (LGU) ang may pondo para mabigyan sila ng karampatang benepisyo.
“Naniniwala naman tayo ang pinakamahalaga sa bansang ito ang kalusugan ng ating kababayan, nag-aalaga doon mga BHW… Saan natin pwedeng kunin ang pera? May pagkukunan ng pera para maibsan ang kahirapan ng ating BHW, magkaroon naman sila ng sapat ang kayang buhayin ang kanilang sarili?” ayon kay Padilla sa pagdinig ng Senate Committee on Health and Demography, na tinalakay ang panukalang batas na may kinalaman sa benepisyo para sa BHWs.
“Ang Pilipinas, mas maraming lugar na malalayo. Sa malalayong lugar yan ang dapat nating alagaan,” dagdag niya.
Binanggit ng kinatawan ng DBM na ang kasalukuyang National Health Workforce Support System ay para sa duktor, nurse, midwife, dentista, pharmacists, at public health associates sa 5th- at 6th-class municipalities – bagama’t dinagdag na ito ay “something we may explore.”
Ayon kay Padilla, bagama’t ang ilang local government units (LGUs) tulad ng sa Bulacan, Cebu at Pasig City ay makapagbigay ng benepisyo sa BHWs, hindi lahat na LGUs ay mapalad pagdating sa mapagkukunan ng pondo.
“Marami rin kasi, kung sino ang nandoon sa malalayong lugar, ang talagang di napapansin na lugar, yan ang nangangailangan talaga, lalo na ng BHW,” aniya.
Ihinain ni Padilla ang Senate Bill 232 na na nagmamandato ng karampatang benepisyo sa mga BHW habang ipinagbabawal ang anumang diskriminasyon laban sa kanila – at pinapayagan ang BHWs na magtatag ng samahan para manawagan ng tugon sa kanilang mga hinaing sa mapayapang paraan.
Kabilang sa mga tungkulin ng BHW ang pagiging “advocate” ng programang pangkalusugan; “educator” sa pamayanan tungkol sa health priorities ng local government units; “disseminator” ng health updates sa pamayanan; “coordinator” sa health services; “record keeper” ng health data, activities at events sa pamayanan; at “health care service provider.”