Ni ESTONG REYES
MATAPOS isnabin ang pagdinig ng Senado kaugnay ng isinasagawang imbestigasyon sa illegal POGO operation, naglabas ng subpoena ang Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality kay Bamban Mayor Alice Guo.
Sa isang pahayag, binalaan ni Senador Risa Hontiveros ang kontrobersyal na alkalde sa hindi pagdalo sa congressional inquiry.
Bukod kay Mayor Guo, hindi rin sumipot sa patawag ng senado si Jian Zhong Guo (ama ng alkalde), Lin Wen Yi (na pinaniniwalaang biological mother ni Guo), at mga kapatid na Shiel, Seimen at Wesley Leal.
Inanyayahan din dumalo sa pagdinig ng senado ang isang Nancy Gamo na tumatayong accountant ng mga negosyo ng pamilya Guo.
Dumepensa naman ng mga abogado ni Mayor Guo sa hindi pagsipot sa committee hearing. Anila, lubhang naapektuhan ang kalusugan ng alkalde bunsod ng kabi-kabilang kontrobersiya.
“Truth be told, my exposure to prolonged stress and high level of anxiety, owing to the concerning and malicious accusations thrown against me, have adversely affected and caused serious impact on my physical and mental health,” paliwanag ni Guo sa kanyang liham sa senado.
Una nang pinatawan ng six-month preventive suspension ng Office of the Ombudsman si Guo matapos sampahan ng kasong katiwalian ng Department of Interior and Local Government (DILG).
Bukod sa suspensyon, sinampahan na rin ng kasong kriminal ang alkalde kaugnay ng human trafficking sa likod ng sinalakay na illegal POGO hub sa bayan ng Bamban noong Marso.
………..
