PARA sa isang mambabatas na kaalyado ng administrasyon, hindi biro ang planong pagpasok ng Department of Foreign Affairs (DFA) sa China kaugnay ng joint oil and gas exploration sa West Philippine Sea.
Payo ni Sen. Francis Tolentino sa DFA, maghinay-hinay at pag-aralan mabuti ang magiging epekto ng naturang kasunduan.
Ayon kay Tolentino na tumatayong chairman ng Senate Committee on Foreign Relations, lubos na nakababahala ang aniya’y nagbabadyang pagtaas ng tensyon sa pinagtatalunang teritoryo sa sandaling lumagda ang Pilipinas sa kasunduang magbibigay-daan sa lalong pagdami ng mga Tsino sa West Philippine Sea.
Naunang inihayag ni Foreign Affairs Secretary Enrique Manalo na nakatakda nang magbalik ang exploratory talks sa pagitan ng Pilipinas at China hinggil sa joint exploration na isinantabi ng nakaraang administrasyon.
“Baka kunyari lang ito na may joint exploration tapos sila na pala ‘yung nandun. Nakapasok na dun lahat under the guise… Baka lalong dumami kasi ang sasabihin nila, ‘Meron kaming karapatan ngayon na mag-drill, mag-conduct ng scientific marine research,” aniya sa panayam sa radyo.
“Baka lalong lumawig pa na maabuso at lalong dumami ang kanilang presensya doon, ma-legitimize pa ‘yung mga dating mali… Sa akin, dapat mag-dahan dahan, mag-hunos dili dahil baka patibong po ito,” dagdag ng senador.
Kung pagbabatayan aniya ang mga probisyon sa ilalim ng umiiral na Saligang Batas, dapat kasama ang Senado sa diskusyon sa pagitan ng dalawang bansa, kasabay ng mungkahing igiit ang 2016 arbitration ruling na kumikilala sa karapatan ng Pilipinas sa 200 nautical mile exclusive economic zone (EEZ).
“Dalawa po ‘yan. Hindi lang dapat sila makipag-usap na nagpe-prepare kung ano ang gagawin. Dapat lahat ito ay kargo nila – ‘Yung pagprotekta sa ating EEZ… at ‘yung desisyon ng Korte Suprema,” aniya pa.
“Subalit, kung magagawan ng paraan ng DFA na ito ay magko-comply sa ating Saligang Batas, tayo ang may kontrol, tayo ang magsu-supervise, at ‘yung 60-40 na nakalagay sa Saligang Batas na mga korporasyon ay masusunod, palagay ko pwede pa ring idagdag kung ano mang agreement whereas both parties will undertake to explore minerals and resources within the Philippine EEZ.”