TIMBOG sa mga operatiba ng National Bureau of Investigation (NBI) ang di umano’y supplier ng mga hitman at baril na ginagamit ni suspended Negros Oriental Rep. Arnulfo Teves sa kanyang mga kalaban sa negosyo at pulitika.
Sa isang pulong-balitaan, kinilala ni Justice Secretary Crispin Remulla ang suspek sa pangalang Marvin Miranda, isang military reservist na aniya’y kasama ni Teves na nagplano sa pamamaslang kay Negros Oriental Gov. Roel Degamo noong Marso 4 sa Bayawan City.
“Kung sa sine, Cong. Teves is the executive producer and producer and he is the director and casting director,” ani Remulla.
Pag-amin ni Remulla, Biyernes pa inaresto si Miranda na aniya’y itinuturing na mastermind sa Degamo slay case.
“Siya yung kausap lagi na kumuha ng tao, kumuha ng armas…Pati yung magrerecruit ng tao,” sambit ng Kalihim.
Kinastigo rin ni Remulla si dating DOJ Sec. Reynante Orceo kaugnay ng di umano’y pakikialam sa kaso na arestadong si Miranda.
“Miranda is represented by the Public Attorney’s Office and not by a lawyer claiming to be his counsel.”
Samantala, wala pa rin paramdam ang nagtatagong kongresista hinggil sa panawagan para sa kanyang pagbabalik sa bansa.
Bukod sa pagpatay kay Degamo, kabilang rrin sa ibinibintang kay Teves ang pamamaslang kay dating Negros Oriental Board Member Miguel Dungog noong 2019.