KASABAY ng pagbawi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa COVID-19 State of Emergency, nawalan na rin ng bisa ang facemask policy sa mga pagamutan at mga pampublikong transportasyon, ayon sa Department of Health (DOH).
“Consequently, the requirement for wearing masks [on] public transportation and [in] other settings as specified in Executive Order No. 7 is now considered rescinded from a technical standpoint,’’ ayon kay Health Secretary Ted Herbosa.
Buwan ng Oktubre ng nakalipas na taon nang gawing ‘optional’ ni Marcos ang pagsusuot ng face mask sa inilabas na EO 7 maliban sa loob ng mga ospital, ambulansya, at mga pampublikong transportasyon.
Sa paglagda ng Pangulo sa Proclamation No. 297, lahat ng mga naunang kautusan, memoranda, at issuances na epektibo lamang sa ilalim ng State of Public Health Emergency – kabilang ang facemask policy, ay kasabay aniyang nawalan na rin ng bisa.
Gayunpaman, nilinaw ng Kalihim na hindi kasama sa mga nalusaw na polisiya ang patuloy na implementasyon ng Emergency Use Authorization (EUA) kaugnay ng mga bakuna at pagbabayad ng mga allowances at benepisyo para sa mga healthcare workers.
Sa usapin ng EUA, hihintayin na lang aniya ng pamahalaan maubos ang nalalabing suplay ng bakuna bagong tuluyang mapawalang bisa.