Ni ROMEO ALLAN BUTUYAN II
UMAPELA sa mga kapwa mambabatas ang isang partylist congressman na pagtibayin sa lalong madaling panahon ang panukalang Expanded 4Ps Act na aniya’y magbibigay-daan sa mas malawak na tulong sa pang-edukasyon sa hanay ng maralitang pamilyang Pilipino.
Para kay Agri partylist Rep. Wilbert Lee, sapat na patunay sa bisa ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ang pagpasa ng hindi bababa sa 4,000 dating benepisyaryo at ngayo’y kabilang na sa talaan ng mga licensed professional teachers.
Sa kanyang pagbisita kamakailan sa Surigao del Sur, personal na nakadaupang palad ni Lee ang mga 4Ps beneficiaries na hindi lamang basta nakalusot sa licensure exam – kundi napabilang pa sa Top 10 sa isinagawang pagsusulit nito lamang nakaraang Marso.
Kinilala ni Lee ang mga topnotchers para sa Elementary Level, na sina Khane Jevie Rose S. Cervantes (top 1) at Jennifer G. Manrique (top 9), at ang Secondary Level topnotchers, na sina Christian Albert B. Paskil at Clarence Joy D. Salmorin (kapwa top 5), Jellian H. Calipes (top 6), at Joanne E. Cagata (top 8).
“Isa na naman itong positibong bunga ng 4Ps, na pamumuhunan sa kakayahan, edukasyon at kalusugan ng mga nangangailangan nating kababayan—‘pantawid’ para makalampas sa kahirapan, hindi lang pansamantala, kundi pangmatagalan,” wika ni Lee.
“Mayroon tayong 4,000 na bagong licensed teachers na ‘nakatawid’ at sana mas marami pa sa mga 4Ps beneficiaries natin ang ‘makatawid’ na rin para yung ibang mga kababayan naman natin ang matulungan,” dugtong niya.
“Filipinos deserve better, and we should demand better. Dapat lahat ‘makatawid’ sa kahirapan, sa kawalan ng pambili ng pagkain, ng pambayad sa tubig, kuryente, upa sa bahay, sa gamot at pambayad sa ospital kapag nagkasakit,”aniya pa.
Sa ilalim ng isinusulong na “Expanded 4Ps Act,” target ng partylist solon palakasin ang tinawag niyang capacity-building sa larangan ng edukasyon, livelihood at entrepreneurship training para sa adult beneficiaries.
Batay sa rekord ng Kamara, pasado na panukala sa third and final reading noong Setyembre ng nakalipas na taon.
“Kung ang yaman namamana, ganoon din ang kahirapan. Hindi tayo pwedeng maging manhid sa katotohanan na may mga kababayan tayong mas nangangailangan, na kahit anong sipag at kayod, hindi makalaya sa kahirapan.”
“Kapag sila naman ang nakaahon sa hirap tulad ng mga bagong guro, inhinyero, accountant, nurse, doktor, mekaniko at iba pang propesyon, bukod sa may iba nang matutulungan ang Estado, ang matagumpay na 4Ps beneficiaries ay may kakayahan na ring makatulong sa mas nangangailangan, sa ekonomiya at buong lipunan, Winner Tayo Lahat,” pahabol ng kongresista.
